Pres. Donald Trump at Pres. Duterte pinaghahandaan ni Jon Santos

Jon

Isa si Jon Santos sa mga pinakasikat na impersonators sa bansa. Maraming mga sikat na personalities na ang nagaya ng aktor na kinaaliwan naman ng kanyang mga tagahanga.

Sa February 23 ay muling mapapanood si Jon sa kanyang stand up show na Trumperte ATBP kung saan ay dalawang Presidente ang gagayahin niya. Hango kina President Rodrigo Duterte at President Donald Trump ang mga karakter ni Jon bilang sina McDonald Trump at Du-thirty Harry.

Masusing pag-aaral ang ginagawang pag­hahanda ni Jon upang maging maayos ang kanyang impersonation. “Dapat mahalaga sa ‘yo na alam mo kung ano ‘yung nagawa na at saka hindi mo maikakaila na dahil sikat sila, madaming gumagaya sa kanila. That means go signal ‘yon na puwede na i-joke. Kaya ‘pag may issue na ang sensitive pa, hindi muna ngayon. Aba after a while natatawanan na nila. After a while ginagawa na ng ibang comedian. After a while tinatawanan na ng sariling tao. After a while tinatawanan na ni Trump ang sarili niyang buhok,” nakangiting pahayag ni Jon. Nahirapan daw ang komedyante na humanap ng tamang itsura ng wig para magaya ang buhok ng Presidente ng Amerika. “Sinubukan ko na lahat. Walis, mais, kung anu-ano na ‘yung ginawa ko. Ang hirap-hirap,” natatawang kwento ni Jon.

Ilang dekada na ring trabaho ng komedyante ang mag-impersonate kaya hindi na nakararamdam ng takot na mapikon ang mga personalidad na kanyang ginagaya. “Alam n’yo kaming mga nag-i-spoof, parang insekto lang din naman kami sa buhay nitong mga matataas na tao, mga powerful na tao. At saka they know how to deal with media. They know how to deal with exposes. They know how to deal with tabloids and how to deal with TV shows. They know how to deal with comedy and comedians,” pagbabahagi ni Jon.

NASHLENE, Tanggap ng fans kahit hindi nagkatuluyan

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtambal sa digital movie na The Gift sina Sharlene San Pedro at Nash Aguas. Maaaring mapanood ang nasabing proyekto ng tambalang NashLene sa iWant.

Kakaiba ang karakter ni Sharlene sa bagong pelikula dahil mayroong siyang heart condition dito. “Bawal akong makaramdam ng kahit anong extreme na bagay, extreme na emosyon. Kapag naram­daman ko ‘yon may tendency na mag-shut down ‘yung heart ko, or hindi ko na alam kung mabubuhay pa ako,” pagbabahagi ni Sharlene.

Nagpapasalamat ang aktres dahil sa pa­tuloy na tumatangkilik sa kanila ni Nash mula noong mga bata pa sila. Kahit hindi magkasintahan sa totoong buhay ay lumalabas pa rin ang magandang che­mistry ng NashLene on screen. “Real, kumbaga totoo ‘yung pinapakita namin sa supporters. Hindi namin  kailangang mag-pretend na maging sweet sa isa’t isa. Basta kung ano ‘yung nakikita nila, ‘yon na ‘yon. Advantage din na matagal na kaming magkasama, tapos kilala talaga namin ‘yung isa’t isa,” paliwanag ng aktres.

Show comments