Rock icon Pepe Smith pumanaw na

Maaalalang isinugod sa ospital si Smith noong 2017 matapos makipagbuno sa stroke sa ikatlong pagkakataon.
File

MANILA, Philippines — Yumao na ang isa sa mga haligi ng Pinoy rock music na si Joey "Pepe" Smith ngayong Lunes sa edad na 71. 

Isinugod si Smith sa ospital kaninang umaga, ika-28 ng Enero.

Sa Facebook post ng kanyang anak na si Daisy Smith-Owen, inalala niya bilang "best dad in the world" musikero.

"Thank you for everything papa bear ko. Thank you for being the best dad in the world. I know youre in the best place now, no more pains papa.. i will see you in few days. I love you to the moon and back," ayon kay Daisy. 

Kilala sa kanilang mga awiting "Ang Himig Natin," "Balong Malalim," at "Beep Beep," unang sumali si Smith bilang drummer at bokalista ng Juan dela Cruz band taong 1970.

Nakasama ni Smith sa banda sina Mike Hanopol (bahista't bokalista), at Wally Gonzales (gitarista). 'Di lumaon, lumipat si Smith sa paggigita nang kuning drummer si Edmund Fortuno.

Bago ang katanyagan kasama ang Juan dela Cruz, tumugtog muna si Pepe sa mga banda gaya ng Speed, Glue & Shinki at Eddie Reyes and the Downbeats.

Tumugtog bilang front act ang banda niyang Eddie Reyes and the Downbeats nang mag-concert ang The Beatles sa Pilipinas taong 1966 sa Rizal Memorial Stadium.

Maaalalang isinugod sa ospital si Smith noong 2017 matapos makipagbuno sa stroke sa ikatlong pagkakataon. — James Relativo

Show comments