Ang babae ng balangiga kikilalanin ni Jeff
MANILA, Philippines — Isang relihiyosong Katoliko, mapagmahal na kapatid, at babaeng umibig sa kalaban—sino nga ba si Casiana Nacionales at ano ang mahalagang papel niya sa Labanan sa Balangiga noong 1901?
Sasagutin ni Jeff Canoy ang mga tanong na ito sa kanyang pagsiyasat sa totoong nangyari sa Labanan sa Balangiga at sa naging kontribusyon ni Casiana sa dokyumentaryong Ang Babae ng Balangiga mula sa ABS-CBN DocuCentral na ipapalabas sa Sunday’s Best, ngayong Linggo (Enero 20) pagkatapos ng Gandang Gabi Vice.
Ibinalita kamakailan lang ang pagbabalik sa makasaysayang kampana ng Balangiga sa Eastern Samar noong Disyembre 15, 2018, mahigit isang siglo mula nang kunin ito ng mga sundalong Amerikano sa simbahan ng San Lorenzo de Martir. Sa bayang ito naganap ang sinasabing pinakamalaking pagkatalo ng Amerika laban sa mga Pilipino noong rebolusyon.
Sa dokyumentaryo, ilalahad ni Jeff ang kwento at buhay ni Casiana, na nag-iisang babaeng inilista sa monumento sa Balangiga kasama ang iba pang nakilahok sa pag-atake sa pwersa ng Amerikano. Kakausapin niya ang mga taong naalala pa si Casiana o narinig ang kwento niya mula sa kanilang mga ninuno. Susubukan ring ipakita ang hitsura ni Casiana sa pamamagitan ng pagguhit base sa paglalarawan sa kanya ng mga nakilala niya.
“Hindi naikukwento sa mga libro ang ibang mga importanteng detalye ng pangyayaring ito,” aniya. “Sanay tayong marinig ang mga kwento tungkol sa pang-aapi sa atin, at madalas hindi naman napapagusapan ang mga tagumpay natin. Mahalaga ang kwento ng Balangiga, at ang kwento ng kagitingan ni Casiana, na ating dapat ipinagdiriwang.”
Alamin sa Ang Babae ng Balangiga sa ABS-CBNSunday’s Best.
- Latest