Nakakaaliw pakinggan ang usap-usapan ng mga kabadingan na nanood sa special screening ng pelikulang Born Beautiful na pinanood sa Cine Adarna sa UP.
Ibang-iba raw ang pelikula at adults at mga bading daw ang sobrang mag-i-enjoy.
Nakakawindang daw ang mga eksena, mga dialogues na walang patumanggang murahan na hindi napapakinggan sa isang Pinoy film.
Pinag-usapan ang ending kung saan may pasabog si Paolo Ballesteros na may bonggang special participation sa pelikula.
Hindi ko pa napanood ang pelikula pero nakakaenganyong panoorin dahil sa kuwentuhan ng mga bading na nakapanood sa pelikula.
Sa January 23 na ang showing nito na inaasahang mapagbigyan ng MTRCB ng R 16.
Sa ngayon kasi ay R18 ang ibinigay ng MTRCB na base sa obserbasyon ng mga nakapanood, mahirapang maka-R16.
Pero iaapela pa raw ito ni direk Perci Intalan dahil kailangang mapanood din sa SM cinemas.
Ang isa pang inaasahang scenario sa pelikulang ito, magri-react daw ang mga taga-simbahan sa ending nito. Nakakaloka raw ang ginawa at ayos ni Paolo sa pelikulang iyun na hindi pa puwedeng sabihin.
Inaasahan ding makakatulong kay Martin ang pelikulang ito dahil magaling daw siya sa pelikula at sa lakas ng screen presence ng aktor, nakalimutan daw si Christian Bables na siyang una sanang gagawa nito.
Napakaganda pa raw ni Martin na mala-Dawn Zulueta at Iza Calzado raw ang ganda at may chemistry pa raw siya sa dalawang leading man niyang sina Kiko Matos at Aki Blanco.
Kapag mag-hit itong Born Beautiful, hindi kaya pagsisihan ni Christian Bables na ‘di niya ginawa ang pelikula?
Transgender nanalong best actor sa Gems!
Congratulations sa diyaryo natin na napiling Best Newspaper (tabloid na iginawad ng GEMS Hiyas ng Sining). (Salamat po ulit sa GEMS sa panibagong parangal. – Salve A.)
Nagkaisyu pa itong parangal na iginawad ng GEMS na kung saan kinontra ng producer at direktor ng pelikulang Mamu: and a Mother Too ang pagpili sa bida nilang si Iyah Mina bilang Best Actor sa naturang award-giving body.
Hindi raw nila matanggap ang Best Actor na award dahil dapat ay Best Actress daw na kung saan nakuha niya iyun sa nakaraang Cinema One Originals.
Isang transgender woman si Iyah, na hindi masabing lubos na siyang babae.
Kaya lalaki pa rin ang pagkilala sa kanya, at inihanay siya sa Best Actor.
Sabi ng isang guro na si Norman Llaguno na bahagi ng GEMS sa PEP Troika; “May pamantayan at panukatan kaming sinusunod sa GEMS. Prerogatibo naming ilagay ang sinuman sa kategoryang pinaniniwalaan naming dapat nilang kalagyan.
“Ang igting ng pagganap ang tinimbang namin at hindi ang kasarian ni Iyah. Hindi ang pagkatao niya kundi ang pagiging tao niya sa kabuuan ng pelikula.”
Sabi naman ng nakatsikahan namin, okay lang daw kay Iyah na gawaran siya ng Best Actor award, pero ang director at producer ng pelikula niya ang kumokontra.
Ang sabi ng iba, baka nagpapaingay lang daw sila dahil ipalalabas daw ito sa commercial theaters. Maaring gamitin lang daw ito sa publicity.