R. Kelly binantaan daw ang nagkaso sa kanya ng sexual abuse

(L-R) Hawak ni Attorney Gloria Allred ang kopya ng kaso laban kay R. Kelly kasama ang nagrereklamo na si Faith Rodgers.
AFP/ Drew Angerer/Getty Images North America

MANILA, Philippines — Pinagbabantaan daw ng singer na si R. Kelly ang babaeng naghahabla sa kanya sa kasong sexual battery, malay na paghawa sa kanya ng sexually transmitted disease at false imprisonment.

Ayon sa women's rights lawyer na si Gloria Allred noong Lunes, nakaranas daw ng pananakot at pagganti ang kliyente niyang si Faith Rodgers, 20, matapos magkaso sa Supreme Court ng New York.

Nagpaskil raw ng mga "pribadong" litrato ni Rodgers ang kampo ni Kelly sa isang Facebook page — na agad namang tinanggal ng social networking site — upang siraan ang nagrereklamo sa kanya.

Nangyari raw ito matapos tumestigo ni Rodgers sa dokumentaryong "Surviving R. Kelly" na ipinalabas ngayong buwan.

Sinabi rin ng kampo ni Rodgers na sumulat si Kelly sa kanyang abogadong si Lydia Hills at sinabing handa siyang humingi ng medical evidence para suportahan ang alegasyon niya sa STD. Hahamunin rin daw ni Kelly ang bersyon ng babae at maglalabas ng mga male witnesses na tetestigo tungkol sa sex life ni Rodgers.

Bumwelta naman ang panig ni Kelly. Ayon sa abogado niyang si Steve Greenberg, gawa-gawa lang ang nasabing sulat.

Hinabla ni Rodgers ang mang-aawit noong Mayo, na nakilala sa mga awiting "I Believe I Can Fly" at "Ignition."

Dagdag ni Rodgers, sapitilan daw ang nangyaring pagtatalik na tinawag niyang "abusive." Hindi rin daw sinabi ni Kelly na meron siyang herpes kung kaya't nahawa siya.

"Taking a stand against R. Kelly, someone who has been termed 'the King of R&B' and is loved by many has not been easy," ayon kay Rodgers noong Lunes.

Kaugnay ng mga panibagong alegasyon, sinabi niyang nakatanggap din ng pananakot ang ina niyang si Kelly Rodgers.

"You can look forward to a legacy which will not be your music, but rather the pain and suffering you inflicted on the many vulnerable teenagers and young women who claim they were victimized by you," sabi ni Allred, na humahawak sa kaso ng tatlong kababaihan na nagrereklamo kay Kelly.

Matapos lumabas ng six-part documentary tungkol kay Kelly, ilang artists na ang humingi ng tawad sa pakikipag-collaborate sa kanya. Ilan sa kanila ay sina Lady Gaga, Nick Cannon at Chance the Rapper.

Show comments