'Power Ranger Green' papasok sa pro-wrestling
MANILA, Philippines — Nakatakdang pasukin ng aktor at mixed martial arts fighter na si Jason David Frank ang mundo ng pro-wrestling ngayong 2019.
Kilala sa kanyang pagganap bilang Tommy Oliver sa orihinal na Mighty Morphin Power Rangers, pormal na inihayag ng dating Green Ranger ang kanyang pagpasok sa squared circle matapos makapisikalan ang isang "Mr. Studtacular" Brysin Scott sa show ng Laredo Wrestling Alliance (LWA).
Makikita sa video ng independent promotion na LWA na nagkasapakan ang dalawa matapos 'di matuwa ni Scott sa pagiging espesyal na panauhin ni Frank sa event.
Nangyari ang komprontasyon habang nasa gitna ng match sina Scott at LWA United Pure Champion na si Ricky Swayze.
Sa kanyang panayam sa The Laredo Morning Times, inamin ng 45-anyos na aktor na matagal na siyang interesado sa pro-wrestling.
"I don’t do this stuff. I do MMA... but just to see this passion in these fighters, everyone is hungry and everyone wants to be the best they can. I like that," sabi ng MMA fighter.
Naging malaking impluwensya raw sa kanya ang dating WWE Champion na si CM Punk at dating Ultimate Fighting Champion (UFC) Women's Bantamweight Champion na si Ronda Rousey sa pagtawid mula MMA patungong pro-wrestling.
Si Punk ay naka-kontrata na sa UFC habang si Rousey naman ang kasalukuyang WWE Raw Women's Champion.
Mahaba ang kasaysayan ng wrestlers at MMA fighters na tumatawid sa dalawang sport.
Matatandaang naging UFC Superfight Champion ang dating National Wrestling Alliance World Heavyweight Champion na si Dan Savern at naging UFC World Heavyweight champion ang kasalukuyang WWE Universal Champion na si Brock Lesnar. Nasa WWE NXT naman ngayon ang dating UFC fighter na si Matt Riddle.
"The Green Ranger is wrestling for the first time in LWA. Just listen to that over again," ayon kay Frank.
- Latest