MANILA, Philippines — Umabot sa 11 awards ang iginawad sa "Rainbow's Sunset" ni direk Joel Lamangan sa nakaraang Gabi ng Parangal ng 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF) na ginanap sa Solaire noong Huwebes.
Tungkol sa magkarelasyong bakla na humaharap sa hamon ng pagtanda, pinagbidahan ang pelikula ng beteranong action star na si Eddie Garcia.
Ilan lamang sa mga nakuhang pagkilala ng pelikula ay ang Best Picture, Best Director Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award, Best Screenplay, Best Production Design, Best Original Theme Song, at ilan pang acting trophies.
Inuwi ni Gloria Romero ang Best Actress trophy habang nakuha naman nina Tony Mabesa at Aiko Melendez ang Best Supporting actor at Best Supporting Actress. Tinanggap din nina Eddie Garcia at Max Collins ang Special Jury Prize para sa pelikula.
Samantala, tumanggap naman ng limang awards ang pelikulang "Aurora" ni Yam Laranas kasama ang Second Best Picture, Best Visual Effects, Best Sound Design, Best Cinematography, at Best Child Performer para sa natatanging pagganap ni Phoebe Villamor.
Ang pelikula naman nina Vic Sotto, Maine Mendoza, at Coco Martin na "Jack EM Popoy: The Puliscredibles" ay nabigyan ng tatlong parangal kasama ang Best Float, Best Editing, at FPJ Memorial Award, habang ang "One Great Love" ng Regal Films ay nakakuha ang Third Best Picture, Best Musical Score, at Best Actor para kay Dennis Trillo.
Napalanunan naman ng "Kasilyas" ng Bulacan State University ang Best Short Student Film category.
Nasungkit naman nina Jericho Rosales (The Girl in the Orange Dress) at Anne Curtis (Aurora) ang pagkilala bilang mga Star of the Night.
Ilan sa mga palabas na kasama sa patimpalak ngunit hindi nakakuha ng anumang gantimpala ang "Otlum," "Mary, Marry Me," at "Fantastica: The Princess, The Prince, and The Perya."