MANILA, Philippines — Tampok ang Ballet Manila sa muling pagtatanghal ng Mga Kuwento ni Lola Basyang bilang pamaskong handog ng Star City. Tatlong kilalang mga kuwento na akda ni Severino Reyes ang bubuhayin sa entablado ng Aliw Theater na nagsimula noong Disyembre 15 hanggang ika-2 ng Enero, tuwing alas-7 ng gabi. Magkakaroon din ng mga palabas sa alas-4 ng hapon at alas-9 ng gabi, sa mga araw ng Pasko at Bagong Taon.
Ang Prinsipe ng Mga Ibon, sa koreograpiya ni Osias Barroso at musikang inayos ni Mon Faustino, ay tungkol sa paghahanap ng tunay na pag-ibig, kung saan nagiging ibon ang isang prinsesa upang makapiling ang kanyang prinsipe.
Ang Labindalawang Masasayang Prinsesa, sa koreograpiya ng artistic director ng Ballet Manila na si Lisa Macuja-Elizalde, at sinaliwan ng musika ni Arnold Buena, ay tungkol naman sa 12 prinsesang umaalis ng kanilang palasyo gabi-gabi at bumabalik na putikan ang mga sapatos.
Ang Mahiwagang Bituin, gamit ang musika ni Ryan Cayabyab, sa koreopgrapiya ni Tony Fabella, ay tungkol sa isang batang si Rodrigo na gamit ang kanyang biyulin upang gabayan ang iba sa pagtatagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan.
Ang Mga Kuwento ni Lola Basyang ay libreng handog sa mga bibisita ng Star City ngayong Kapaskuhan.