Chill lang si Direk Joven Tan kahit na nakakatanggap siya ng mga panlalait pagkatapos ngang mapiling official entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 ang pelikula niyang Otlum (Multo).
Ayaw na niyang patulan ang mga taong hindi masaya sa pagkakasali niya sa MMFF.
“Siguro lang talaga sinuwerte ako. Saka napili ako so siguro mananahimik na lang ako,” sabi ni Direk Joven nang makausap namin after the presscon ng kanyang first official entry to MMFF 2018.
Actually wala silang idea na makakasama ang pelikula niyang sinulat at dinirek sa eight official entries. At nalaman lang nila sa mismong announcement ng MMFF.
At kung may naririnig man siyang nega, dedma na lang siya.
Nagsisipag na lang sila sa promo para mas mapansin ang pelikula nilang isang horror.
Isa itong ghost story starring Buboy Villar, Jerome Ponce, Ricci Rivero, Michelle Vito, Vitto Marquez and Danzel Fernandez.
“Simple lang ang story namin, walang pretension, pero pakiramdam ko ma-e-enjoy nila,” dagdag ni Direk Joven.
Nang mag-decide silang isali ang Otlum, umaasa naman talaga silang mapipili ito ng selection committee.
Anyway, ilang tulog na lang MMFF. Malalaman na kung aling pelikula ang mangunguna at mangungulilat.