May hang-over pa ang Eat Bulaga family sa pag-top ng kanilang scholar na si Jaydee Lucero sa katatapos na Civil Engineering licensure examination.
Nakakuha nga kasi si Jaydee ng 97.20 passing rate at nanguna sa humigit 13,000 examinees ngayong 2018 kung saan siya nagtapos bilang magna cum laude sa University of the Philippines—Diliman. Six months nag-review ang 22-year old na scholar para sa nasabing board exam. “Mahirap ‘yung buong six months ng review kasi focus lang talaga ako for the board exams. In-expect ko na papasa ako pero yung mag number one, hindi talaga kasi marami akong kilala na mas magaling sa akin and during the exam day itself, may mga topic na na-challenged talaga ko,” kuwento niya sa isang interview.
Naalala pa ni Jaydee na ang kanyang ina ang matiyagang nagbantay sa Professional Regulation Commission’s (PRC) website para sa resulta ng exam.
Bunso sa dalawang magkapatid, si Jaydee ay produkto ng Eat Bulaga Excellent Student Awards (EBest).
Nag-umpisa noong 2009, ang EBest Awards ay isang programa na nagbibigay ng scholarship grant sa mga outstanding elementary, high school and college students mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nabigyan ng Eat Bulaga si Jaydee ng high school and college scholarship, monthly allowances at annual cash assistance para sa iba pa niyang pangangailangan sa eskwelahan.
“Hanggang ngayon hindi ko pa rin ma-explain kung gaano ako kasaya na isa ako sa mga napili ng Eat Bulaga. Feeling ko kasi kung hindi ako napili ng programa, malamang na hindi ako nakapag-kolehiyo kaya thankful talaga ako sa bumubuo ng show.
“Para akong nanalo sa lotto kasi after ilang years ng pag-aaral, puyat, pagod at sa napaka daming challenges na binato sa akin, may blessing pala na ganito na darating sa buhay ko. Dahil sa pagsusumikap ko at sa tulong ng mga mabubuting tao, unti-unti ko nang nakakamit ang mga pangarap ko,” pahayag pa ng topnotcher sa board exam.
Two years ago nang mamatay ang ama ni Jaydee dahil sa liver cancer. Ayon sa bagong engineer, malaki ang naging epekto nito sa kanilang pamilya at maging sa kanyang pag-aaral. “Nung nawala si Papa, isa yun sa pinaka mahirap at pinakamadilim na pangyayari hindi lang sa buhay ko, kundi sa buong pamilya namin. Pero na realized ko na gusto niya na makapagtapos ako at tumulong sa pamilya kaya naisip ko na lahat ng success ko, i-dedicate ko talaga kay Papa. Ako yung magpapatuloy ng mga pangarap niya para sa amin.”
Aminado rin siyang mahirap ang maging honor student at pag top sa board exam. Bitbit ang focus, patience, hard work at determination, naabot niya ang kanyang mga pinagdasal na pangarap.
Malaki ang naitulong ng pagkakaroon niya ng positive outlook at wag mawalan ng pag-asa sa buhay na itinuro ng EB.
Sa kasalukuyan ay namimili si Jaydee ng papasukang trabaho. Marami rin siyang natatanggap na offer mula sa ilang design and construction firm sa bansa.
Pero bukod sa pagkakaroon ng magandang trabaho, gusto niyang ibahagi ang oportunidad at tulong na ibinigay sa kanya ng programa sa GMA 7.
“Ang dream ko talaga ay makapag give back sa ibang tao. Ang ultimate goal ko talaga ay makapagturo para maipasa ko din yung knowledge and opportunity na pinagkaloob sa akin ng programa.”
Para naman sa mga estudyanteng nangangarap din na makapagtapos ng pag-aaral, sinabi ni Jaydee na lagi lamang sundin ang payo ng magulang, mag-aral ng mabuti at magkaroon ng confidence sa sarili at sigurado maaabot nila ‘yun.