MANILA, Philippines — Nagwagi ang ABS-CBN sa ika-40 na Catholic Mass Media Awards (CMMA) matapos umani ng mga tropeo ang mga programa, pelikula, at musika nito.
Kinilala bilang Best Drama Series ang top-rating drama series na The Good Son na pinuri noon sa pagtalakay nito sa mental illness at iba pang problema sa pamilya. Panalo rin ang Seven Sundays ng Star Cinema bilang Best Film sa pagpapakita nito ng pagpapatawad at pagtutulungan sa isang pamilya. Ang Mission Possible naman ni Julius Babao ang pinarangalan na Best Public Service Program.
Nag-tie naman ang ASAP at I Can See Your Voice bilang Best Entertainment Program.
Ginawaran rin ang ilang mga programa ng DZMM at MOR 101.9 sa radyo. Panalo ang On The Spot bilang Best News Program, at ang TV special ng DZMM TeleRadyo na Sa Landas ni Jesus: Maglakbay, Magnilay ang tinanghal na Best TV Special. Iniangat na rin sa Hall of Fame ang Failon Ngayon sa DZMM sa kategoryang Best News Commentary.
Samantala, napanalunan naman ng Kapamilya FM Radio na MOR 101.9 ang Best Drama Program para sa Dear MOR at Best Radio Ad-Public Service naman ang Nanay Kakilala.
Umani rin ng tropeo ang Star Music para sa mga kantang Ito ang Aming Pangarap ni KZ Tandingan, Bugoy Drilon, Ebe Dancel, at Gloc 9 na itinanghal na Best Music Video; Tagpuan ni Moira Dela Torre na nanalong Best Secular Song; at Di Ka Pababayaan ni Ogie Alcasid at ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra na itinanghal na Best Inspirational Song.
Kinikilala ng CMMA ang mga produkto ng media na itinataguyod ang kabutihan at kaunlaran ng mga Pilipino sa pamamagitan ng tama at mahusay na paggamit ng mass media.