Hirap sa lovescenes, hunk actor lutang na ang kabadingan!

Alam kaya ng isang guwapong hunk actor na palagi siyang laman ng mga kuwentuhan kapag magkakaumpukan ang mga kasamahan niyang personalidad? Kung totoong nakakagat ng tao ang kanyang dila kapag pinag-uusapan siya ay baka putol na ang kanyang dila ngayon.

Ang puntong pinagdi­diskusyunan ng mga miron, ang kanyang gender, hirap na hirap kuno ang hunk actor sa pagtatago ng tunay niyang kasarian.

Maganda ang kanyang bulto, may ipinagmamalaki siyang abs, marami siyang pandesal sa braso na produkto ng madalas niyang pagdyi-gym.

Kuwento ng isang miron, “May bitbit na problema si ____(pangalan ng guwapong hunk actor), kitang-kita ang paghihirap sa pagkilos. Masyado siyang cons­cious, hindi na tuloy nagiging natural ang galaw niya.

“Palagi siyang nagpapaka-macho, pero may mga pagkakataong nahuhuli naman ng mga katrabaho niya ang natural niyang kalambutan. Hirap na hirap na siya,” sabi pa ng source.

‘Yun daw ang dahilan kung bakit may mga nakakaengkuwentro ang guwapong hunk actor sa linya ng kanyang trabaho. Mabilis uminit ang kanyang ulo.

“Ganu’n talaga kapag merong dinadalang pigil na emosyon ang tao, palagi siyang defensive, ayaw niya kasing mahalata ng mga nakapaligid sa kanya ang totoo niyang feelings.

“Katatapos lang niyang gawin ang isang movie na marami silang love scenes ng partner niyang sexy actress. Nagulat ang mga nasa set nu’ng bigla siyang sumigaw!

“Ang sabi niya, ‘Yeeeessss!!!! Sa wakas, natapos din ang mga eksena namin!’ Natural, nagkatinginan ang mga miron sa paligid, ‘yung mga love scenes nila ng girl ang sinasabi niyang salamat, dahil tapos na!

“Nakakaloka siya, ha? Hirap na hirap siguro siya nu’ng gawin ang movie dahil may maiinit silang eksena ng girl! Napaghahalata tuloy na hindi ganu’n ang gusto niya!

“May mga nagtatanong nga kung totoo raw bang may relasyon sila ng isang sikat na singer-actor, bukambibig kasi ng macho kunong personality ang kanyang kaibigan, totoo nga kaya ‘yun?” nagtatanong ang mga mata ng aming source.

Ubos!

Dennis at Dingdong pasabog agad, Coco ‘di dapat makampante!

Sinadya naming simulan ang unang buhos ng seryeng katapat ngayon ng FPJ’s Ang Probinsiyano. Sa unang eksena pa lang ng seryeng pinagsasamahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo ay pasabog na agad ang bumungad sa manonood.

Kundi kami siguradong nasa GMA-7 ang aming TV ay baka maligaw kami sa pag-aakalang ang serye ni Coco Martin ang tinutunghayan namin dahil sa maaaksiyong eksena ng dalawang bida.

Sa totoo lang, mautak ang produksiyon ng Cain At Abel, napakahaba ng unang sultada ng kanilang serye, walang putol, wala munang patalastas.

Epektibo rin ang ginawa nilang bakbakan muna nina Dingdong at Dennis ang ipinakita bago ang flashback nu’ng maliliit pa ang magkapatid.

Pagkatapos naming panoorin ang unang gabi ng serye ay naisip namin, kailangang tapatan ng serye ni Coco ang pinaghandaang palabas ng mga bida ng GMA-7, baka kasi mapuwing sila kapag nagpapetiks-petiks ang kanilang produksiyon.

Hindi man kasingkinis ng mga galaw ni Coco ang mga action-drama stars ng kabilang istasyon ay mukhang nahawakan nila ang manonood sa unang pasabog na kanilang ipinakita.

Baligtad ang nangyari. Kapag nagko-commerical ang Cain At Abel ay saka lang kami lumilipat sa Ang Probinsyano. Mas bumabad kami sa bago nilang katunggali sa oras.

Mahirap ang ganu’n. Baka mawili ang publiko sa bagong putaheng nakahain sa kanila. Baka makagiliwan na nilang tutukan ang programa ng Siyete kesa sa serye ni Coco Martin na tatlong taon na nilang sinusubaybayan.

Mahirap maging kampante. Walang garantiya ang tatlong taon nang matagumpay na pamamayagpag sa ere kung sinisikap pagandahin ng bagong humahamon ang kanilang mga atake.

Hindi namin naramdaman ang ganito sa Victor Magtanggol.

Show comments