Wagi na naman ang special documentary ni Atom Araullo na Philippine Seas sa prestihiyosong Association for International Broadcasting Awards (AIBs) 2018 sa London nitong Nobyembre 7.
Ang kauna-unahang dokumentaryo ni Atom sa Kapuso Network ang itinanghal na pinakamahusay sa Science, Technology, Nature category. Tinalo nito ang ibang kalahok mula sa Al Jazeera English, CNN, at BBC News Digital.
Samantala, isa pang GMA News and Public Affairs program ang kinilala ng AIBs. ‘Highly Commended’ ang episode ng Reel Time na ‘Batang Maestro’ sa Domestic Affairs Documentary category.
Lumipad sa London upang tanggapin ang award para sa Pilipinas at sa GMA Network sina Philippine Seas Program Manager Lee Joseph Castel at Executive Producer Ian Simbulan kasama si Reel Time Program Manager Nowell Cuanang.
Short-listed naman o finalist sa Daily Journalism category ang Marawi Liberation: War is Over ng GMA News TV flagship newscast na State of the Nation Address with Jessica Soho.
November last year nang ipinalabas sa GMA-7 ang Philippine Seas kung saan ibinahagi ni Atom ang isang malalimang pagtalakay sa estado ng mga karagatan sa Pilipinas.
Ipinakita naman sa Batang Maestro episode ng documentary program na Reel Time ang kuwento ng 12-gulang na si Dagul, na kasama ang kanyang kapwa ‘batang maestro’, ay sumusuong sa mahabang ilog ng Donsol habang nakasakay sa kawayang balsa upang maturuan ang kanilang mga estudyante.