Advocacy film sa Thailand pa nag-shooting
MANILA, Philippines — Hindi bago sa pagpo-prodyus ng pelikula ang Flying High Productions. Ganundin ang director na si Errol Ropero dahil matagal na rin silang gumagawa ng advocacy films para sa mga bata.
Naka-focus ngayon ang nasabing produksyon sa filming ng upcoming movie nila na A Walk To Remember at Sarah and Cedie.
Paiiyakin tayo ng istorya ng A Walk To Remember na tungkol sa batang dinapuan ng Muscular Distrophy, isang rare disease na pumipigil para makapaglakad ang isang tao. Ipakikita sa nasabing pelikula kung papaano nakikipaglaban ang mga magulang sa nasabing sakit sa kabila ng kagustuhan nilang mabigyan ito ng normal na buhay.
Modern-day princess and prince naman ang mapapanood sa Sarah and Cedie na tungkol sa magkapatid na nawalan ng mga magulang na inalagaan ng tiyahin nilang ganid sa kayamanan. Tatampukan ito ng real-life husband and wife na sina Lara Quigaman at Marco Alcaraz kasama ang mga nasa title role na magkapatid din in real life na sina Sawera at Aryan Akthar. Familiar ang magkapatid dahil naging weekly winner din sila sa show ng ABS-CBN na The Kid’s Choice kung saan nag-drums sila habang umaapoy ang drumstick.
Katatapos lang din gawin ni Direk Errol ang apat pang advocacy film. Isa rito ang The Prince of Music na tungkol sa deaf-mute Filipino teacher na aksidenteng sumikat sa Thailand. Bongga ang produksyon ng nasabing pelikula dahil sa mismong Thailand pa ito kinunan para mas maging makatotohanan.
Ang Music Hero Teacher naman ay tungkol sa teacher na ang tinitingalang bayani ay ang kanyang ama.
Nakaka-touch ang kwento ng Mga Munting Pangarap na tungkol sa tatlong magkakapatid na nagkahiwala-hiwalay at muling magsasama-sama nung sila ay mga propesyonal na.
True story naman ang tampok sa Science En Marsha na tungkol sa matalinong batang lumaki sa hirap at nanalo sa isang science competition sa Albay province.
Ipalalabas ang nasabing mga pelikula na tumatalakay sa bullying, kagandahang asal, importansya ng pamilya sa iba’t ibang paaralan, public at private sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa Department of Education.
- Latest