Ang saya ng tsikahan namin kay Cong. Vilma Santos na nag-celebrate ng kanyang 65th birthday kamakalawa lang.
Na-phone patch interview siya ni Noel Ferrer sa kanyang Level Up radio program sa Radyo Inquirer habang nagbabakasyon pa siya sa Hong Kong kasama si Sen. Ralph Recto at anak nilang si Ryan Christian.
Kahapon na sila nakabalik. Pero kahit nasa Hong Kong ang Star for All Season, nagpaunlak siya ng phone patch interview na ramdam naming na-enjoy niya nang husto.
Ang unang ipinaliwanag ni Cong. Vi ay kung bakit wala pa siyang tinatanggap na pelikula. Schedule raw talaga ang dahilan dahil hindi magtugma sa trabaho niya bilang Representative ng Lipa, Batangas.
Tapos nag-file na siya ng candidacy niya, at paghahandaan na niya ang pangangampanya next year kaya pagkatapos na talaga ng eleksyon niya haharapin ang paggawa ng pelikula.
“Yung timing eh. Medyo nahirapan din ako sa timing.
“Yung script, kasi minsan lang naman ako makagawa,” pakli ng Star For All Seasons.
Isa sa inalok na kinu-consider ni Vilma ay ang project ni direk Adolf Alix na pagsasamahan sana nila ni Ms. Charo Santos.
“Gusto ko rin makasama si Ma’am Charo, gusto ko rin makasama si Alden. Gusto ko rin makasama si Joshua. Siguro yung right timing lang talaga,” dagdag na pahayag ni Cong. Vi.
Meron din daw inalok si direk Mike de Leon na kuwento ng buhay ni Doña Sisang ng LVN Pictures.
“Mabigat yun kasi period yun. Pero hindi pa kami nagkatuluyan, at alam ko meron pang ibang ginawa si direk Mike.
“Sabi ko, if it’s meant, it’s meant,” saad ni Vilma.
Bukod pa diyan, may isa rin daw sanang gusto niyang gawin, itong inaalok ni direk Brillante Mendoza na pagsasamahan sana nila ni Nora Aunor.
“Kami dapat yun ni Nora, yung kumare ko, na ilalaban yata niya sa Cannes for next year. Pero ‘yung schedule na naman, kasi may priority rin ako this time.
“Eh baka magtatampo na si direk Brillante kasi parang pangatlo na yata itong inalok. Pero gusto ko rin makagawa kay direk kahit isa lang,” sabi pa ni Vilma.
Kuwela ang sagot pa ni Vilma tungkol sa birthday gift na gusto sana niyang matanggap sa kaarawan niya.
“Alam nyo hindi kayo maniniwala, sabi ko sa mga kaibigan ko gusto ko tuwalyita, yung bimpo. Kasi gusto ko yung malambot lang.
“Kasi last year, sabi ko kung gusto nyo akong bigyan, sabi ko pajama lang para magamit ko. Tapos tumambak naman ngayon yung pantulog kong pajama. Yung pantulog lang na cotton.
“Meron din, umuulan na rin ang regalo sa akin ng panyo,” masayang pahayag ni Vilma.
Huwag na raw yung mamahaling gamit, dahil hindi rin raw niya magagamit lagi.
“Sa totoo lang, mas masarap yung mura.
“Kasi sa totoo lang, bigyan nyo man ako ng mamahalin, tapos nakatabi lang ‘di ko naman nagagamit,” sabi pa niya.
Bilang kaarawan naman ni Cong. Vi, sinundan namin siya ng tanong kung type ba niyang makatanggap ng video na birthday greeting mula kay Cesar Montano?
Natigilan sandali ang actress/politician.
“Pilyo kayo. Huwag na, ako na lang babati sa kanya,” natatawa niyang sagot sa amin.
Updated pala si Ate Vi sa isyung kinasangkutan ni Cesar.
Kaibigan naman daw niya si Cesar at nagkasama sila sa trabaho, kaya huwag na raw kami magsalbahe.
“Bilib naman ako kay Cesar, kasi he is taking it lightly.
“Hindi niya masyadong sineryoso ang kung ano man yung iniisip ng iba. I think it’s good, that’s the right way to react,” sabi na lang ni Cong. Vi na tawa nang tawa na lang sa mahabang pag-uusap namin.