Nag-e-emote na ang Noranians dahil sa balita na hindi pa rin siya kasama sa listahan ng mga gagawaran ng National Artist award, ang pinakamataas na parangal para sa mga alagad ng sining sa Pilipinas.
Imbes na maimbyerna at magalit, tiwala lang ang dapat pairalin ng mga affected sa balita na naitsa-pwera na naman si Nora Aunor bilang National Artist.
Baka nga hindi pa ngayon ang oras para igawad sa kanya ang pinakamimithi ng parangal ng fans niya.
Darating din ang tamang panahon kaya maghintay-hintay lang ang naiinip na fans ni Nora. Habang wala pa ang award na pinakaaasam-asam, suportahan n’yo muna ang primetime show niya sa GMA 7, ang Onanay.
Ryan official na dinekLara
Kung malungkot ang Noranians, masayang-masaya naman ang pamilya, kaibigan at supporters ni Ryan Cayabyab dahil idineklara na siya bilang National Artist for Music.
Mabilis na kumalat kahapon ang balita na National Artist na rin si Ryan dahil sa mga pagbati na natanggap niya.
Kabilang si Lea Salonga sa mga unang nagpahatid ng pagbati kay Ryan na kilalang-kilala niya mula noong bagets pa siya.
“Kay ganda ng ating musika... dahil nariyan ka! Congratulations to our dearest Ryan Cayabyab, our country’s newest National Artist for Music!!! Maraming salamat sa mga awiting iyong nilikha upang mapaawit ang ating bansa!!” ang congratulatory message ni Lea Salonga kay Ryan.
Someday, hindi nakakagulat kung igawad din kay Lea ang National Artist award dahil sa mga kontribusyon niya sa music industry. Hindi na mabubura sa kasaysayan ng Philippine entertainment industry ang karangalan na ibinigay ni Lea sa bansa natin nang magbida siya sa broadway play na Miss Saigon na nagbukas ng pintuan para sa ibang mga Pinoy singer.
Bukod kay Ryan, mga National Artist na rin sina Francisco Mañosa for Architecture, Ramon Muzones (Literature), Resil Mojares (Literature), Larry Alcala (Visual Arts), Amelia Lapeña Bonifacio (Theater) at Kidlat Tahimik (Film).
Janella binasag na ang isyu kay Elmo
Finally, nagsalita na si Janella Salvador tungkol sa kanyang estranged boyfriend na si Elmo Magalona na inakusahan niya noon ng pananakit.
Sinabi ni Janella ang the truth and nothing but sa tell-all interview sa kanya ni Papa Ricky Lo noong Lunes at mababasa ngayon sa Philippine Star.
Matagal na nanahimik si Janella at ganoon din si Elmo kaya hanggang mga speculation lang ang nababasa at nababalitaan natin.
May mga cryptic post si Janella tungkol sa insidente pero iba pa rin kung detalyado ang pagkukuwento niya.
Ang pagsasalita ni Janella ang sinasabi na mitsa para tuluyan nang mabuwag ang ElNella loveteam nila ng kanyang real-life boyfriend.
Puwedeng wala nang love na nararamdaman si Janella para kay Elmo kaya nag-decide siya na basagin ang kanyang pananahimik.
Vindicated si Jenine Desiderio dahil sa pasya ng kanyang anak na sabihin ang buong katotohanan tungkol sa isyu na pananakit ni Elmo.
Hindi ligtas si Jenine sa bashing sa tuwing may mga cryptic post siya tungkol sa mga nangyayari sa personal na buhay ni Janella.
A mother is a mother. Hindi natin masisisi si Jenine sa sariling paraan ng pagtatanggol niya kay Janella dahil nanay siya. Walang ina na pababayaan na lang na masaktan, emotionally and physically, ang kanilang mga anak.