First Filipino anime series napapanood na

MANILA, Philippines — Nagsimula nang mapanood ang first Filipino anime series sa bansa, ang Barangay 143, nung Linggo, 10 a.m., sa GMA 7.

Pinangungunahan ng Kapuso stars na sina Julie Anne San Jose, Migo Adecer, Ruru Madrid at Kelley Day kasama ang mga beteranong actor na sina John Arcila, Edu Manzano, Lorna Tolentino at Cherie Gil, ang Barangay 143 ay kuwento tungkol sa pamilya, pagkakaibigan, pag-ibig, pagsasakripisyo, at ang paborito ng maraming Pilipino – basketball.

“Kami ay natutuwa na makatrabaho ang ilan sa pinakamahuhusay na talent sa mundo ng animation at excited na kami na makita ang bunga ng mga pinaghirapan namin,” sabi ni Jackeline Chua, ma­naging director ng Synergy88 Entertainment Media Inc. bago umere ang Barangay 143.

“Barangay 143 is everything that I’ve seen and experienced of the Philippines so far. It’s people who readily share their love, millions who go about life with a smile, and above all, basketball, the pulse of this country. I think people not just here but worldwide, would love this show,” said Jyotirmoy Saha, CEO of August Media Holdings.

Sundan ang kuwento ni Bren Park (Migo), isang rising basketball star sa Korea na tatalikuran ang lahat matapos baguhin ng isang pangyayari ang kanyang buhay. Sa paghahanap niya ng mga kasagutan, mapapadpad siya sa Maynila kung saan makikitira siya sa kanyang dating yaya na si Tita Baby (Lorna) sa Barangay 143.

Dito niya mahahanap ang panibagong pamilya na magtuturo sa kanya na mabuhay at magmahal muli. Agad siyang mamataan ni Coach B (John), ang coach ng Barangay 143 basketball team na Puzakals, na determinado siyang pabalikin sa paglalaro ng basketball. Kontra naman dito si Vicky (Julie), ang team manager ng Puzakals at anak ng coach; at Wax (Ruru), ang star player ng kalabang koponan.

Tila hindi pa tuluyang nakawala si Bren sa kanyang ugnayan sa Korea dahil balik eksena rin ang kanyang ex-girlfriend na si Jinri (Kelley) nagustong makipagbalikan sa kanya.

Sa kanyang paghahanap sa sarili at sa katotohanan, anong lihim ang kanyang mauungkat? Sino ang kanyang mga kaibigan at sino naman ang kanyang mga kalaban? Mahanap niya kayang muli ang pag-ibig sa basketball o mas mauna siyang mahanap ng pag-ibig? Manalo kaya si Bren sa liga ng kanyang buhay?

Makakasama rin dito sina Alice Dixson, Teresa Loyzaga, Raver Eda, Pen Medina, Benjie Paras, Archie Alemania, Ping Medina, Je­rald Napoles, Roadfil Macasero, Kimpoy Feliciano, at Kramer family na kinabibilangan nina Cheska, Doug, Kendra, at Scarlet.

Ang Barangay 143 ay co-produciton ng Sy­nergy88 Entertainment Media Inc. (Philippines), August Media Holdings (Singapore), TV Asahi (Japan), at ASI Animation Studio.

Show comments