Isang bagay na lagi kong pinupuri ay iyon tatag ng Eat Bulaga. Imagine 40 years na sila Tito, Vic, Joey ang haligi, napapalitan lang mga nasa paligid pero hanggang ngayon ayan pa rin sila. Kasi nga alam ng tatlo mag-delegate ng trabaho, basta darating lang sila sa studio as hosts at may kanya-kanyang trabaho ang mga tao. Kaya wala silang stress, bihirang uminit ang ulo at hindi napi-pressure. Nagbibigay sila ng mga ideas na puwedeng gawin kaya smooth lahat at si Papa Tony Tuviera lang ang head sa lahat.
Hindi siguro ito puwedeng mangyari kung host ka na producer ka pa at lahat hands on at pakikialaman mo. It will have a toll on your health at sa pakikisama mo sa tao at mga direct staff mo. Makikita mo iyan sa mukha at katawan ni Willie Revillame, pagod na pagod, madalas maysakit kasi nga sa kanya lahat ang trabaho, siya ang direktang umiisip ng lahat kaya physically bumibigay ang katawan niya.
Sana kung host lang siya, sana producer lang siya, pero lahat trabaho niya. Kung gusto ni Willie na magtagal hindi lang iyon programa pati katawan niya dapat may mga tao na siya bahala sa lahat. Iyon na lang pagiging host niya ang alagaan niya. Mahirap ang maging master of all dahil health mo magsa-suffer.
Enjoy your place Willie, take time to smell the flowers. Huwag subsob sa trabaho. Tingnan mo sila Tito, Vic, Joey, mukhang young, feeling young, kasi relax ayaw pa-stress. Kahit si papa Tony Tuviera relax relax din. Ganyan gawin mo!
Artista tambak sa eleksyon
Kandidato rin pala ang mga aktres na sina Maricel Morales at Jaycee Parker sa bayan nila sa Angeles City, Pampanga. Tatakbo na vice mayor si Maricel na hindi baguhan sa public service dahil nagsilbi na siya noon bilang konsehal.
Target naman ni Jaycee na former member ng Viva Hotbabes na mahalal na konsehal sa Angeles City pero ang tunay na pangalan ang gagamitin niya, ang JC Aguas dahil kasal na siya kay Jericho Aguas, ang dating asawa ng pumanaw na aktres na si Isabel Granada. Gaya ni Jaycee, kandidato rin si Jericho na umaasa na mahahalal na representative ng ABE-Kapampangan Party List.
Re-electionist naman na vice-mayor ng Calatagan, Batangas si Andrea del Rosario na ex-member din ng Viva Hotbabes. Kung papalarin si Andrea, second term na niya ito.
Mga re-electionist din na konsehal sina Vandolph Quizon at Jomari Yllana sa Parañaque City at si Jhong Hilario sa Makati City.
Sa mga artista na re-electionist, si Cavite Province Vice-Governor Jolo Revilla ang pinakamasuwerte dahil walang kalaban.
Kahit sure winner na si Jolo, mangangampanya pa rin siya at tutulong sa campaign ng kanyang mga magulang dahil re-electionist na mayor ng Bacoor City ang nanay niya na si Lani Mercado at may senatorial bid ang kanyang ama na si Bong Revilla, Jr.
Noong 2016 elections, unopposed si Alfred Vargas bilang house representative ng District V ng Quezon City. Hindi ko na inalam kung may kalaban si Alfred sa halalan sa May 2019 pero isang bagay ang sigurado ako, tutulong siya sa kampanya ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte at ng kanyang younger brother na si PM.
Tutulong si Mark Lapid sa campaign ng kanyang tatay na si Lito Lapid na muling kakandidato na senador. In return, tutulungan din ni Lito sa pangangampanya si Mark na tatakbo bilang mayor sa kanilang hometown, ang Porac, Pampanga.
Parehong mga mainstay ng Ang Probinsyano sina Lito at Mark. Malaki ang naitulong ng show ni Coco Martin sa mag-ama dahil gabi-gabi silang napapanood sa TV at kilalang-kilala ng mga tao ang mga karakter nila sa AP.
Ngayon ko lang na-realize na lima sa mga artista ng Ang Probinsyano ang kakandidato sa midterm elections sa 2019.
Tatakbo na senador si Lito, congressman ng San Juan City si Edu Manzano, konsehal ng Makati City si Jhong Hilario at house representative ng 1st District ng Camarines Sur ang comedian na si Long Mejia.
Sina Gian, Lala at Ciara Sotto ang mga anak nina Senate President Tito Sotto at Helen Gamboa na kakandidato rin sa 2019 elections.
Tatakbo na vice mayor ng Quezon City si Gian, re-electionist na konsehal ng District VI ng QC si Lala at second nominee ng Luntiang Pilipinas Party-List si Ciara.