MANILA, Philippines — Bongga na rin ang career ng Kapamilya komikeros na sina Jobert Austria, Nonong and Miss Q&A finalist, Elsa Droga.
Sila lang naman ang host ng bagong game show na Sorpresaya sa CineMo ng ABS-CBN Plus.
Ang pamimigay ng datung ang konsepto ng programa na maglilibot sa iba’t ibang probinsiya sa Luzon.
Magsisimula ito sa Oktubre 22 (10:30 AM) na pwede ring salihan ng audience.
Limpak limpak umanong papremyo ang naghihintay sa maswerteng audience member na nagtataglay ng lahat ng apat na katangian na hinahanap ng hosts sa segment na Wanted. Mala-lotto raw ang dating ng segment dahil kapag walang nakakuha ng apat na katangian na hinahanap, madadagdagan ang jackpot prize para sa susunod na araw ng segment.
Sa kanila namang Macho Singers segment, dalawang machong lalakeng contestants ang magbabakbakan sa pagkanta ng awitin na pinasikat ng babaeng singers.
Meron din namang laro para sa kababaihan na mahilig makipagtalakan. Sa Debate Girls kung saan bibigyan ng topic ang babaeng contestants na ipaglalaban ang kanilang opinyon base sa panig na naka-assign sa kanila.
Meron din silang Chick Boys segment na susukatin ang galing sa pag-arte at paggaya ng lesbians. Kailangan umanong kopyahin ng contestants ang istilo ng pag-arte at pagbitiw ng linya ng karakter na nasa isang pelikulang napanood sa CineMo.
Ito, pati raw senior citizens may pagkakataon ding mag-uwi ng premyo sa segment Hula Mo ‘To, kung saan dalawang grupo ang magpapasiklaban sa galing nila sa panghuhula.
In all fairness, pati chikiting may nakalaan silang segment - ang Isip Bata. Ang batang may pinakamaraming tamang sagot sa mga pambatang tanong ang tatanghaling kampeon. Pwede rin magpatulong ang mga chikiting sa kanilang mga magulang.
So bantay-bantay ang mga taga-Luzon sa pag-iikot ng Sorpresaya kasama sina Jobert Austria, Nonong, at Elsa Droga na nakakaloka ang hitsura.
Isa ang CineMo sa may pinaka-malaking share ng audience sa ABS-CBN TV Plus na umano’y nakabenta na ng 6.1 million units.