Bantay Bata, nagpapasalamat sa mga Kapamilya, Mayor Herbert, VM Joy

Jing

MANILA, Philippines — Matapos makatanggap ng mainit na suporta mula sa mga Kapamilya sa ABS-CBN Ball, nakatutok na ngayon ang Bantay Bata 163 sa paghahanda sa mu­ling pagbubukas ng Children’s Village sa Norzagaray, Bulacan ngayong Nobyembre.  

Ayon sa Bantay Bata 163 program director na si Jing Castaneda, patuloy ang pagsasaayos ng Children’s Village, na unang inilunsad noong 2003. Sa mas pinagandang pasilidad at programa, maaari nang manatili rito ang mas marami pang biktima ng child abuse upang sila ay mabigyan ng lakas at kakayahan upang maging matatag na miyembro ng komunidad.

“Hindi ito maisasagawa kung wala ang donasyon ng mga indibidwal at organisasyon, ang lokal na gobyerno ng Quezon City sa pamumuno ni Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte, at ang mga Kapamil­yang nangakong susuportahan nila ito,” aniya.

Malaki rin ang pa­sasalamat ni Jing sa ABS-CBN Ball, na ibinida ang adbokasiya ng Bantay Bata 163 laban sa pang-aabuso sa pamamagitan ng Share the Love na tagline nito at ang pagsusuot ng mga artista ng asul na laso.

Halos 300 na Kapamil­ya stars ang dumalo sa ABS-CBN Ball, kung saan inilunsad rin ang kampanya para sa mu­ling pagbubukas ng Bantay Bata 163 Children’s Village. Karamihan ng mga pumunta ay nagsuot ng asul na ribbon para ipakita ang suporta nila at palawa­kin ang adbokasiya ng proyektong ito.

Maaaring mag donate, volunteer, o sumali sa mga programa ng Bantay Bata 163 sa pamamagitan ng 1-6-3 hotline. Maaari rin mag-donate sa www.abs-cbnfoundation.com o sa mga alkansya ng Bata 163 sa iba’t ibang lugar.

Show comments