Final deliberation sa MMFF umabot sa sigawan!
As of presstime, wala pa akong nakukuhang sagot mula sa ilang miyembro ng Executive Committee ng Metro Manila Film Festival tungkol sa ilang kaguluhan daw na nangyari sa deliberation ng pagpili ng apat na pelikulang kalahok sa MMFF 2018.
Pagkatapos ng announcement ng apat na pelikula, kaagad kumalat ang usap-usapang may nagsisigaw daw sa deliberation.
Hindi ko kasi kilala itong si Jojo Garcia na taga-MMDA na bahagi rin sa Execom ng MMFF. Siya raw ang sumisigaw sa deliberation nang pinagtatalunan kung alin ang isasali, ang Alpha ba ni direk Brillante Mendoza o ang Otlum ni direk Joven Tan.
Iyun ang isa sa mga dahilan kung bakit naantala ang announcement na ginanap sa Club Filipino kamakalawa ng hapon.
Matagal ang deliberation dahil ayon sa ilang napagtanungan namin, napagkasunduan na raw na Alpha ang pang-apat na kalahok, kahit ang Otlum talaga ang pang-apat sa total score.
Dito na raw nagsisigaw itong si Jojo kahit nandun ang Chairman ng Selection Committee na si Ginoong Bienvenido Lumbera.
Kaya naikonek namin sa post sa Instagram ng isa ring taga-MMFF na si Noel Ferrer na kung saan may kuha siyang kasama ang tatay-tatayan niyang si Bienvenido Lumbera na may hashtag na #Respect.
Ayaw pa munang magkomento ni Noel tungkol sa isyung iyun.
Ayaw niyang sagutin kung kasama ba si Ginoong Lumbera, ang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas, sa nasigawan?
Dahil sa pagpasok ng Otlum ni direk Joven Tan, ang dami tuloy na-curious kung sino itong guwapitong basketbolistang si Ricci Rivero na isa sa mga bida sa naturang pelikula.
Nakausap namin si Ricci sa premiere night ng pelikulang Wild & Free na ginanap sa SM Megamall kamakalawa ng gabi.
Nagulat daw siya nang nalamang pasok ito sa Magic 8 ng MMFF.
First movie pa niya ito at mae-experience niya agad ang MMFF na inaasam ng ibang artista
“Sobrang thankful po especially dun sa Horseshoe Productions, tapos kay direk Joven,” tipid na sagot ni Ricci.
“Medyo naninibago po, pero kailangan po eh,” sabi pa niya.
Hindi lang daw niya alam kung ano ang reaksyon ng fans niya ngayong artista na siya. Inaasahan ba niya ang suporta ng mga fans niya para hindi naman mangulelat ang pelikula niya?
“If God permits, yun lang po,” nakangiting sagot sa akin ni Ricci.
Sanya-Derrick may eksenang ubusan ng laway
Suportado ng mga Kapuso stars ang premiere night ng Wild & Free nina Derrick Monasterio at Sanya Lopez.
Dumating ang magkasintahang Jak Roberto at Barbie Forteza na parang nanibago yata sa mga daring scenes ng dalawang bida.
Ang napansin lang namin, nagsisigawan ang mga fans kapag mga love scenes na nina Derrick at Sanya ang lumalabas.
“Ang maganda lang sa kanila, yung sigaw nila may kilig eh. Kasi kapag yung sigaw nila na parang wala lang, mas kinakabahan kami dun. Pero cute lang na makita sa mga tao na everytime may eksena kaming ganyan, kinilig sila,” pahayag ni Sanya.
Bukod sa Graded B ito ng Cinema Evaluation Board, binigyan din ng R13 ng MTRCB.
Mukhang may mga nabawas pang mga daring scenes dahil mala-porno na raw ang iba. Kaya mabuti na lang, naging R 13 na ito.
Pero mapapanood pa rin dito ang mga matitinding laplapan nila na talagang ubusan ng laway.
Carmina at kambal nagsimula na sa sarap…
Nagbagong bihis na nga ang Sarap Diva ni Regine Velasquez. Hindi na nga siya ang host nito na ginawa na raw Sarap Di Ba?
Si Carmina Villaroel na ang host kasama ang kambal niyang sina Mavy at Cassy.
Ngayong araw na raw sila magsisimulang mag-taping. Nagsimula na rin palang i-plug ito ng GMA 7.
- Latest