Ate Guy mina-manage na si John Rendez
Noong Huwebes ay pumirma ng kontrata sa Star Music si John Rendez. Si Nora Aunor ang tumatayong business manager ng singer at ilang dekada na ring magkaibigan ang dalawa.
Malaki umano ang tiwala ni Ate Guy sa Star Music na makatulong sa pagbabalik ng career ni John sa pagkanta. “Dahil sa hindi pa ako makakanta sa ngayon, siyempre gusto ko maibigay sa katulad ni John na hindi din nakapagpatuloy ng kanyang singing career. So umaasa ako na dito sa Star Music ay mabibigyang-buhay ulit ang kanyang talent na ibinigay ng nasa itaas,” makahulugang pahayag ni Nora.
Aminado ang Supertar na hinahanap-hanap na rin niya ang pagkanta para sa lahat ng kanyang mga tagahanga. “Unang-una, ang pagiging mang-aawit ko, diyan talaga ako nag-umpisa. And sa tagal ng panahon na hindi ako nakakakanta, nami-miss ko talaga,” pagtatapat ni Ate Guy.
Bukas din ang Superstar sa muling paggawa ng pelikula at kung mabibigyan ng pagkakaton ay gusto niyang makasamang muli si Vilma Santos. “Kung may offer, buong-puso kong tatanggapin ‘yon. May mga kumakausap sa amin na gumawa ng pelikula. Pero ang nagiging problema nga lang ay scheduling. Baka hindi magtugma ang scheduling. Pero malay natin, dumating ang panahon magkakasama rin kami,” pagtatapos ng Superstar.
Bela, nagpatulong kay Vice sa pagpapatawa
Nakapag-last shooting day na si Bela Padilla para sa pelikulang Fantastica na pinagbibidahan ni Vice Ganda. Isa ito sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong Kapaskuhan.
Malaking adjustment daw para kay Bela ang bagong proyekto dahil comedy ang tema nito. Ngayon lamang sumabak ang aktres sa pagpapatawa at para kay Bela ay masayang karanasan na makatrabaho sina Vice, Richard Gutierrez at Dingdong Dantes. “Masaya, first time ko na pure comedy. So nagpatupatulong ako sa kanya (Vice). Sabi ko ‘Momshie, di ko forte ‘to. Ikaw bahala sa ‘kin. And natutuwa naman ako kasi kung ano ‘yung scene mo, dadagdagan pa niya para mas maging colorful and mas maging funny,” kwento ni Bela.
Ayon pa sa aktres ay ibang klase talagang mag-alaga si Vice sa kanilang lahat na kasama sa pelikula. “Nakikita ko ‘yung pag-guide niya sa aming lahat. Hindi lang sa akin, pati na din sa love teams,” dagdag ni Bela.
Magpapakilig din sa bagong pelikula para sa tagahanga ang mga tambalan nina Maymay Entrata at Edward Barber, Kisses Delavin at Donny Pangilinan, Loisa Andalio at Ronnie Alonte.
- Latest