Totoo kayang binayaran daw ni Mommy Divine Geronimo ang episode ng Gandang Gabi Vice na kung saan guest doon si Sarah Geronimo?
Sinabi raw ng taga-GGV na aabutin ng 1.5 million ang itinapong episode na iyun, kaya binayaran daw ni Mommy Divine dahil ayaw daw niyang lalabas ang interbyung iyun ni Vice Ganda kay Sarah.
Samantala, nag-enjoy nang husto ang Revilla brothers na sina Jolo, Bryan at Luigi na nag-guest doon para sa promo ng Tres.
Baka sisipot daw si Vice Ganda sa premiere night nito sa Linggo, September 30 na gaganapin sa SM Megamall.
Suporta ni Vice kina Jolo na naging close na rin sa kanya.
Pati si Coco Martin at ilang taga-Ang Probinsyano ay nangako ring dadalo sa premiere night.
Sa showing pala nito sa October 3, sasabay din ang ilang block screening na binuo ng mga close friends ng tatlong bida.
Pelikula nina Angelica at Carlo naka P21M sa first day
Congratulations kina Angelica Panganiban at Carlo Aquino dahil maganda ang resulta sa box-office ng pelikula nilang Exes Baggage na nagbukas na sa mga sinehan nung isang araw lang.
Ayon sa aming source, naka-21M daw sa first day na showing nito, at mukhang tataas pa dahil maganda ang feedback sa pelikula.
Kaya ilang producers ang nakausap ko, nagkainteres silang kunin si direk Dan Villegas. Pero nung nagtanong ako, nakapirma pala sa Star Cinema si direk Dan at puno na raw siya hanggang sa 2019.
May isang kilalang movie producer na gustong kunin si direk Dan na magdirek sa isang malaking pelikulang gusto niyang ituloy na, pero nadismaya lang siya dahil hindi pa pala puwedeng gumawa si Direk Dan sa labas ng Star Cinema.
Bukod pa sa Star, may gagawin pa raw itong isang soap at may commitment pa raw ito sa Quantum at Viva Films.
Samantala, nakipag-co-produce na pala sa Quantum at MJM Productions ang Star Cinema para sa MMFF (Metro Manila Film Festival) entry na Girl In The Orange Dress.
Kaya naidagdag pa si Luis Manzano, Derek Ramsay, Kuya Boy Abunda at pati si Jennylyn Mercado na may special participation sa naturang pelikula.
At least sumuporta naman daw si Jennylyn sa pelikulang ito ni Jessy Mendiola.
Andre gustong makasama si Benjie sa TV
Umaasa si Andre Paras na pagkatapos ng renewal ng kontrata niya sa GMA 7, sana makasama raw niya sa isang programa ang Daddy niyang si Benjie Paras.
Kasama rin pala si Benjie na pipirma sa GMA Artist Center, co-managed kay Manay Lolit Solis.
Kaya sabi ni Andre, sana may magandang show daw na swak silang mag-ama.
“It’s been my dream to work with him like for a show. Kasi dati, the only time I worked with him nung nag-guest siya sa The Half Sisters for a few weeks. Hopefully meron ako show with him,” pakli ni Andre sa nakaraang presscon ng The Clash.
Ang isa pa sa nalaman namin ay hindi na pala kasama si Kobe Paras na mag-renew ng kontrata. Pero parang may commitment pa rin yata siya sa Kapuso network.
Mas focused daw kasi ngayon si Kobe sa paglalaro at nag-aaral pa ito.
“Mahirap kasi ang schedule ng isang student/athlete everyday siya.
“Ako naman three days…ang once a week minsan binibigay ko sa kanya nagha-hang out kami,” sabi pa ng The Clash backstage host.
Pagkatapos ng The Clash, tuluy-tuloy ang taping niya sa bagong drama series na Pamilya Roces. Pero ang isa sa nilu-look forward ni Andre ay sana makumpleto raw silang buong pamilya sa Christmas.
Pinaplano raw kasi nilang mag-Pasko sa ibang bansa, at sana kumpleto raw sila.
Posible kayang sa Mommy niyang si Jackie Forster siya mag-Pasko kung sakaling dalawin sila rito?
“If she’s here,” mabilis na sagot ni Andre.
“Kaya lang out of the country siya eh. She might spend her Christmas with her family,” dagdag niyang pahayag.
Okay naman daw sila ng Mommy Jackie niya, pero si Kobe ang lumalabas na mas close sa Mommy nila dahil lagi raw silang nagpu-post na magkasama sila.
Sa kanya naman daw mas gusto niyang pribado lang at hindi na i-social media pagdating sa kanyang pamilya.
Samantala, excited si Andre na magkakaroon ng second season ang The Clash.
Sana raw kasama pa rin siya sa masaya at kakaibang singing competition na ito.