Jeff Canoy, wagi sa Cannes at Palanca

Jeff

MANILA, Philippines — Tuloy ang pag-ani ng tropeo at parangal ng ABS-CBN News anchor at journalist na si Jeff Canoy sa kanyang paglalahad ng mga pangyayari sa giyera sa Marawi.

Nanalo si Jeff ng first prize sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang English Essay para sa sanaysay niyang  Buhay pa kami: Dispatches from Marawi, kung saan ibinahagi niya ang iba’t ibang kwento ng hirap at sakripisyo ng mga sundalo at residente noong kasagsagan ng putukan sa Marawi.   

Malaki ang pasasalamat ni Jeff sa parangal ngunit malaki rin daw ang hamon sa kanyang makatulong sa mga tao sa likod ng kanyang mga akda.

“Mas mahalaga parati ‘yung kwento ng mga tao,” sabi ni Jeff.  “Malaking tiwala ang binigay nila sa akin para marinig ang boses nila at matulungan sila ng mas maraming tao.”

Bago ito, nakakuha rin ang kanyang akda ng honorable mention sa Excellence in Explanatory Reporting mula sa So­ciety of Publishers in Asia’s (SOPA) 2018 Awards noong Hunyo.

At ito, kinilala rin si Jeff bilang Marshall McLuhan fellow, isang parangal na ibinibigay ng embahada ng Canada para sa mga mamamahayag na itinataguyod ang mataas na kalidad ng paghahatid ng balita.

Dadalaw naman si Jeff sa Cannes, France ngayong buwan para tanggapin ang tropeo mula sa prestihiyosong Cannes Corporate Media & TV Awards, na kumikilala sa magagandang dokumentaryo at palabas ng iba’t ibang media.

Kasama rin si Jeff at ang kapwa niya reporter sa ABS-CBN News na si Chiara Zambrano sa dokumentaryong ginawa ng ABS-CBN DocuCentral na Di Ka Pasisiil tungkol sa Marawi, na nanalo naman sa 2018 World’s Best Te­levision & Films competition sa New York sa kategoryang Continuing News Coverage noong Abril.

Nagsimula si Jeff bilang intern at production assistant sa ABS-CBN bago naging reporter.  Tinitingala niya bilang mentor ang mga beteranong mamamahayag tulad nina Nadia Trinidad, Jorge Carino, at ABS-CBN Integrated News head Ging Reyes na tumulong humubog sa kanya bilang journalist.

Mapapanood si Jeff bilang host ng Red Alert  sa ABS-CBN na panalo bilang Best TV Public Service Program sa Golden Dove Awards 2018, at sa Red Alert sa DZMM na tungkol din sa paghahanda sa kalamidad at panganib. Napapanood rin siya sa  Umagang Kay Ganda Lunes hanggang Biyernes ng umaga sa ABS-CBN.

Show comments