MANILA, Philippines — Ang action thriller na Peppermint na pinagbibidahan ni Jennifer Garner ay tungkol kay Riley North, isang babae na nagkamalay mula sa pagkaka-coma at nalaman niyang hindi nakaligtas ang kanyang asawa at 10 taong gulang na unica hija sa isang drive-by shooting sa karnibal. Dahil malinaw niyang naaalala ang mga pangyayari, nakipagtulungan siya sa mga pulis upang matukoy ang mga salarin. Subalit ang mga tiwaling hukom at pulis na bayaran ng makapangyarihang drug cartel ay nagsabwatan para mabalewala ang kanyang testimonya at tuluyang mabasura ang kaso.
Dala ng kanyang matinding poot, sinanay ni Riley ang kanyang isipan at katawan para sa pakikipaglaban. Ilang taon siyang nagtago, at sa kanyang pagbabalik, isa na siyang mapusok na vigilante na hindi magawang masukol ng mga pulis. Hindi siya titigil hangga’t hindi siya nakapaghihiganti sa mga taong nagkait sa kanya ng hustisya.
Si Pierre Morel, kilalang director ng Taken at The Gunman ay pumayag agad na idirek ang pelikulang ito dahil nagustuhan niya ang ideya kung paano mababago ng isang trahedya ang pagkatao ng isang ordinaryong tao.
Aniya, “Trying to figure out how a regular human being reacts when hit with such a dramatic and brutal situation was compelling to me.”
Hindi rin pinalampas ni Jennifer ang papel na ito kahit na 11 taon na ang nakalilipas nang huli siyang sumabak sa action scenes. Ang aktres ay nakilala sa TV series na Alias, at action-heavy feature films tulad ng Elektra at The Kingdom.
Para magampanan ang kanyang karakter, mahabang oras sa bawat araw ang ginugol ni Jennifer para magsanay ng iba’-t ibang istilo ng pakikipaglaban gaya ng Krav Maga at boxing, at meron rin siyang weight training. Tinuruan din siya ng mga miyembro ng Navy SEALS para sa tamang paghawak at paggamit ng iba’t ibang armas.
Ayon kay direk Morel tamang-tama ang timing ng pagdating ng pelikulang ito sa buhay ni Jennifer na isa na ring ina. Dahil dito makatotohanan ang naging pagganap niya sa kanyang karakter. “This role feels like it came at the exact right moment in her life, she truly is that kind and committed mom who lives for her family and has a deep connection to the emotion of the story. That connection helps us believe that after such terrible loss someone could snap and come back as somebody else and basically take out everybody involved,”
Inamin ni Jennifer na napag-usapan nila ni direk Morel kung tama ba ang maghiganti, at nagkasundo sila na ito ay isang komplikado at interesanteng tema na magandang talakayin sa isang action film.
Mapapanood na ang Peppermint sa mga sinehan nationwide simula sa September 26. Handog ng Viva International Pictures at MVP Entertainment.
Hunter X Hunter, muling mapapanood
Simula Setyembre 24, mapapanood na sa GMA Network ang ikatlong season ng hit anime series na Hunter X Hunter.
Itinatampok ng manga series ang kwento ni Gon, isang talentadong batang lalaki na nadiskubreng ang ama na akala niyang matagal nang patay ay buhay pa pala at ito ang sikat na Hunter na si Ging.
Upang makilala ang kanyang ama, napagdesisyunan ni Gon na kailangan niya ring maging isang Hunter katulad nito. Determinado siyang maipasa ang Hunter Examination at sundan ang yapak ng kanyang ama.
Sa pagtupad ni Gon sa kanyang mga pangarap, nakilala niya at naging kaibigan ang tatlo pang aplikante sa exam: si Killua, ang gitnang anak ng kilalang pamilya ng mga assassins at tagapagmana ng kanilang negosyo; si Kurapika, isang blacklist hunter at nag-iisang survivor ng Kurta clan; at si Leorio, ang Hunter na pangarap na maging isang doktor.
Makapasa kaya si Gon sa exam at maging isang matagumpay na Hunter? Makilala niya na kaya ang kanyang ama?
Samahan si Gon at ang mga Hunter sa kanilang mga kakaibang adventures, pagtuklas ng mga kakaibang yaman at pagbisita ng mga bagong lugar sa Hunter X Hunter simula Lunes (Setyembre 24), 8:00-8:30am, sa GMA.
MOR Philippines Jingle, maririnig na sa buong bansa
Paglalapitin pa ng MOR Philippines ang mga tagapakinig sa buong bansa dahil sabay-sabay nang maririnig ang panibagong jingle ng MOR Philippines, na muling inawit nina Vice Ganda, Toni Gonzaga, at Daniel Padilla, sa 17 nitong istasyon ganap na ika-11:55 ng umaga ngayong Lunes (Setyembre 24).
Mas magiging makulay pa nga ang pakikinig ng radio listeners mula sa iba’t-ibang rehiyon sa pagsalang ng bagong jingle ng MOR Philippines na magbibigay ng iisang tunog sa lahat ng istasyon nito sa bansa.
Isinulat ang jingle ng mga kompositor na sina Lloyd Oliver “Tiny” Corpuz, Thyro Alfaro, Rox Santos at Jonathan Manalo, na lumikha na rin ng hit songs sa radyo.
Ngunit bukod sa inaabangang jingle, mas magiging pamilyar din ang mga plugs at programa gaya na lamang ng numero unong radio drama na Dear MOR, na naririnig na rin sa mga probinsya.