Tambalang Angelica-Zanjoe kinapitan agad

MANILA, Philippines — Agad na nagdala ng saya at kilig sa mano­nood ang pinakabagong Kapamilya sa serye na Playhouse matapos manguna ang pilot episode nito sa national TV ratings at mag-trend sa social media noong Lunes (Setyembre 17).

Nagtala ang seryeng pinagtatambalan nina An­gelica Panganiban at Zanjoe Marudo ng national TV rating na 13.6%, kontra sa katapat nitong Kapag Nahati ang Puso (9.5%), ayon sa datos ng Kantar Media.

Sa pilot episode ng serye, nakilala ng mga manonood ang mag-asawang sina Patty (Angelica) at Marlon (Zanjoe) na muling nagkrus ang landas matapos ang ilang taon nilang hindi pagkikita. Ipinakita rin kung paano nag-umpisa ang kanilang pag-iibigan na naghatid ng kilig sa mga manonod.

“Para akong nanonood ng movie sa totoo lang. Katuwa talaga si Angelica, natural na natural lang,” komento ng iWant TV user.

“Galing talaga nito ni Zanjoe. Kahit sino ma-partner niya may che­mistry. Parang ang bait-bait kasi niya at parang kung magmahal todo,” papuri naman ng YouTube user.

Samantala, bagama’t hindi pa nagkakakilala ang kanilang karakter, lubos na ring inaabangan online ang tambalan nina Kisses Delavin at Donny Pangilinan sa pagdagsa ng posts at tweets mula sa kanilang fans.

Tutukan ang kilig at sayang hatid ng PlayHouse tuwing umaga sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). 

Show comments