Monique Tuzon naghahangad ng korona sa Miss World

Monique

Puwede nang ibalita na official candidate sa Miss World Philippines 2018 ang aspiring beauty queen na si Angelica Dominique Tuzon  at ang Quezon City ang ire-represent niya.

Monique Tuzon ang ginamit na pangalan ni Angelica sa Miss World Philippines at Candidate Number 14 siya.

Humarap kahapon sa entertainment press ang 25-year old beauty na pinag­handaan talaga ang beauty contest na sasalihan niya at magaganap sa Mall of Asia Arena sa October 7.

Na-delay ang tsikahan portion ni Monique sa entertainment writers dahil hinintay muna niya na matapos ang press presentation sa 40 official candidates ng Miss World Philippines.

Siyempre, si Monique ang bet ko na mag-win sa isa sa mga apat na beauty title na ipamimigay ng organizer ng beauty contest, ang Miss World Philippines 2018, Reina Hispanoamericana 2018, Miss Eco Philippines 2018 at Miss Multinational Philippines 2018.

Type ko ang classic beauty ni Monique na maikukumpara sa kagandahan ng mga Hollywood icon na si  Joan Crawford at Bette Davis. Sa mga hindi kilala sina Joan at Bette, i-Google ninyo dahil sigurado ako na agree kayo sa opinyon ko na ka-level ni Monique ang mga beauty nila.

May resemblance ang mga mata ni Monique sa mata ni  Roxanne Abad Santos, ang leading lady ni Gabby Concepcion sa Miracle of Love, ang pelikula na kinunan sa Switzerland ang mga eksena noong 1982.

Si Gabby ang producer ng Miracle of Love kaya kasama ako sa shooting sa Europe at dito ko nakilala nang husto si Roxanne na may sakit na leukemia nang gawin niya ang pelikula.

Natapos ni Roxanne ang shooting ng Miracle of Love pero sa kasamaang-palad, binawian siya ng buhay bago ipinalabas sa mga sinehan ang unang pelikula niya.

May article ako na isinulat noon tungkol kay Roxanne na may title na I Hate You Roxanne. Inspired na inspired ako nang isulat ko ang article dahil nakilala ko nga si Roxanne at nakasama nang matagal sa shooting ng Miracle of Love kaya nag-win ako noon sa writing contest ng Philippine Movie Press Club.

Kontrobersyal noon ang Miracle of Love dahil inakusahan si Gabby na ginagamit sa publicity ang sakit ni Roxanne dahil nalaman ng publiko ang kundisyon nito noong promo ng pelikula nila. Si Elwood Perez ang direktor ng Miracle of Love at ipinalabas ito sa mga sinehan noong July 8, 1982.

Winwyn nabilisan sa panahon

Para kay Winwyn Marquez, napakabilis ng panahon dahil one year ago noong September 3 nang matupad ang pangarap niya na maging beauty queen.

Sa October 7, ililipat na ni Winwyn sa successor niya ang korona ng Reina Hispanoamericana Filipinas at sana, ma-duplicate ng bagong winner ang tagumpay niya sa Reina Hispanoamericana na ginanap sa Sta. Cruz, Bolivia noong  November 4, 2017.

Tanggap ni Winwyn na malaki ang ipinagbago ng takbo ng showbiz career niya mula nang manalo siya ng international beauty title.

Nagkaroon si Winwyn ng mga pelikula na siya ang bida at nadagdagan ang mga product endorsement niya.

Deserving si Winwyn sa lahat ng mga magaganda na nangyayari sa kanyang career na pinagsikapan at pinaghirapan niya.

“On my own” ang ginawa ni Winwyn dahil hindi niya ginamit ang pangalan ng kanyang mga magulang na sina Joey Marquez at Alma Moreno para magkaroon siya ng sariling puwesto sa local entertainment industry.

Babalik si Winwyn sa Bolivia sa last week ng October dahil siya ang magpuputong ng korona sa bagong winner ng RH sa November 3, 2018.

Show comments