MANILA, Philippines — Matapos ang 11 taon, balik-acting ang panganay nina former Senator Bong Revilla at Lani Mercado na si Bryan Revilla via Virgo, isa sa tatlong episode ng action film na Tres na pagbibidahan niya kasama ang mga kapatid na sina Luigi at Jolo Revilla.
Sa ginanap na presscon para sa nasabing palabas, natanong si Bryan kung paano siya napapayag bumalik sa showbiz pagkatapos nga ng pagkahaba-habang panahon.
Ayon sa aktor ay maging siya ay hindi pa rin makapaniwala kahit matagal niya itong pinag-isipan. Hanggang ngayon ay nasa alapaap pa rin daw ang kanyang pakiramdam at ‘shookt’ pa rin siya sa mga nangyayari.
“It was our dad who conceptualized the project. Na-mag-serve ito bilang comeback film din ng aming family owned production (Imus Productions),” paliwanag ng actor. “Obvious na plinano ng dad namin na gawin itong trilogy, where each of us, will have individual episode.”
Hindi masyadong nagkwento si Bryan ng mga eksena niya sa naturang pelikula dahil mas mabuti raw na panoorin ito.
Ilan sa mga dapat abangan ay ang fight scene nila ni Kiko Matos na dalawang araw kinunan at kung saan pareho raw silang napuruhan.
Si Carla Humphries ang magsisilbing love interest ni Bryan dito at mayroon daw sila ritong kakaibang intimate scenes. Mayroon din daw siya ritong ‘frontal exposure’.
Mahahalata nga sa aktor na talagang pinaghandaan niya ang muling pagsabak sa pelikula dahil nasa porma ang kanyang pangangatawan. Baon din niya siyempre ang pangaral ng kanyang amang si Bong at lolo na si Mang Ramon na maging mabait at responsable para sa lahat.
Naging emosyonal nga si Bryan nang natanong kung ano ang birthday wish niya para sa kanyang ama na magdiriwang ng kanyang kaarawan sa September 25. Siyempre, freedom ang kanyang pangarap para kay Bong.
Every Sunday ay magkakasama sila sa Camp Crame at doon ay lagi rin daw silang nag-a-attend ng church service. Nanginig na ang boses ng aktor nang sabihin ang ilang bagay na nami-miss niyang gawin nung malaya pa ang ama tulad ng kumain sa labas, manood ng sine at mag-outing tuwing Holidays.
Samantala, sa ngayon ay wala pang planong sumabak sa pulitika si Bryan dahil sa iba naka-focus ang kanyang puso. Inalok na raw siyang kumandidato pero magalang na tinanggihan niya ito. “Naniniwala ako na hindi kailangan ng posisyon sa gobyerno para makatulong,” paliwanag pa nito.
Masaya si Bryan dahil unti-unti nang bumabalik ang sigla ng action movies. Naobserbahan niyang nanunumbalik ang interest ng tao sa pagpatok ng mga aksyon na palabas tulad ng TV series na Ang Probinsyano ni Coco Martin at BuyBust movie ni Anne Curtis.
Anyway, happily single si Bryan ngayon at naka-focus daw siya sa responsibilidad niya sa pamilya. “Alone but not lonely,” nakangiting sabi ni Bryan.