Matagal nang naganap ang kuwentong ito tungkol sa dalawang babaeng personalidad na co-hosts nu’ng isang sikat na actor-TV host. Sa ibang bansa ito nangyari.
Kapag magkakasama sila ng tropa ng produksiyon ay nahahalata ng mga ito na may kahanginan ang female personality. Tatawagin nating Female Personality A at Female Personality B ang dalawang personalidad.
Kuwento ng aming source, “May kayabangan si Female Personality A, kuwento siya nang kuwento kung anu-ano ang mga binibili niyang branded stuff. Masakit daw pakawalan ang malaking amount para sa binili niyang branded shoes, pero bakit ba, sabi niya, e, siya naman ang nagtatrabaho?
“Nakangiti lang si Female Personality B, pinakikinggan lang niya ang mga kuwento ng kanyang kasamahan sa show, wala siyang sinasabi, tahimik lang siya.
“Heto na, nagkaroon ng panahon ang mga taga-production na makapag-shopping, natural, nag-shopping din ang mga co-hosts ng show! Nagpunta sila sa malaking shopping area sa bansang pinuntahan nila,” pabitin pang kuwento ng aming source.
Marami silang magkakasama sa shopping mall, mga artistang dinala nila sa bansang ‘yun, mga dancer at production staff.
Patuloy ng aming source, “Natural, nagyabang na naman si Female Personality A, bibili raw siya ng ganito at ganyan, kailangan daw niyang mabili ang mga gusto niya, dahil mahal na ‘yun kapag sa Pinas niya binili.
“Okey lang naman siya nu’ng una, may hawak naman siyang dollars bilang talent fee niya. Pero sa dami ng gusto niyang bilhing stuff, e, hindi kasya ang dollars na meron siya, kaya ginamit na niya ang credit card niya.
“Hala, sige, pili siya nang pili ng mga gusto niyang bilhin, mga branded stuff ‘yun, malalaki ang halaga, pero wala siyang pakialam. Nu’ng magbabayad na siya, e, nagkaroon siya ng problema, declined ang card niya!
“Walang laman, as in, may utang pa nga siya, kaya nagkatinginan ang mga nakasabay niyang mag-shopping. E, very nice si Female Personality B, siya pa ang nag-offer ng card niya sa friend niya.
“Nagkatinginan ang mga nakapaligid sa kanila, ang yabang-yabang nga naman ni Female Personality A kung makapagkuwento, declined naman pala ang card niya! E, si Female Personality B nga, walang kayabang-yabang, pero madatung!
“Hindi niya ginamit sa pagsa-shopping ang talent fee niyang dollars, panalo pa ang credit card niya, hindi katulad ng kanyang kaibigang host na napakaere!
“Basta, naglalaro ang mga letrang R, V, M at C sa mga pangalan ng dalawang female personalities na ito,” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Ynez mali-mali ang English nang mag-sorry kay Tina
Humingi na ng paumanhin si Ynez Veneracion kay Tina Paner. Pinadaan ng sexy star ang kanyang apology sa social media. Pero sa halip na matuwa ang mga netizens sa sexy star ay na-bash pa siya.
Ang punto ng mga nakabasa sa kanyang paumanhin ay kung bakit pa kasi siya nagpakasosyal sa pag-Iingles. Bakit hindi na lang niya ‘yun idinaan sa sarili nating wika?
May karapatan naman tayong magkamali sa English dahil Pilipino naman tayo, inuunawa ‘yun ng mga netizens, kaya sana’y humingi na lang siya ng sorry kay Tina Paner sa lengguwaheng mas kumportable siya.
Pero nasilipan nga ang apology ni Ynez ng mali-maling grammar at syntax, hirap na hirap siyang itinawid ang kanyang paumanhin, kaya sana’y sa Pilipino na lang niya idinaan ang kanyang pagso-sorry.
Ewan kung okey na kay Tina Paner ang palusot ni Ynez na wala naman daw siyang planong pintasan-siraan ang nananahimik na singer-actress. Hindi raw niya sinadyang tawaging babalina at bansot si Tina Paner.
Ngayon ay may leksiyon nang napulot si Ynez Veneracion sa kanyang pagiging taklesa at pintasera. Huwag mamimintas kung kapintas-pintas din naman ang nagsasalita.
Huwag maghahanap ng mali sa itsura ng kapwa kung mas maraming makikitang mali sa kanyang mukha. Manalamin muna bago magbato ng kapintasan dahil parang basurang itinapon ‘yun na babalik din sa kanyang pagmumukha.