PIK: Ipinakilala na kahapon ng hapon ang anim na pelikulang kalahok sa 3rd TOFARM Film Festival na magsisimula sa September 12 hanggang 18.
May dalawang entry na nag-back out dahil sa hindi sila aabot sa deadline.
Ang anim na pelikulang dapat abangan ay ang 1957 ni direk Hubert Tibi, Alimuom na sinulat at dinirek ni Keith Sicat, Kauyagan ni Julienne Ilagan, Mga Anak ng Kamote ni Carlo Enrico Catu, Sol Searching ni Roman Perez Jr., at Tabanata’s Wife nina Charlson Ong at Lito Casaje.
Kahapon ng hapon din ay nagkaroon ng pirmahan ng agreement ang Chief Advocate ng TOFARM na si Dr. Milagros How at ang FDCP Chairperson Liza Diño.
Sabi ng Festival Directors na sina direk Joey Romero at Bibeth Orteza, kapag nasa FDCP ang TOFARM, hindi na kailangan ipa-review ang mga pelikulang kalahok sa MTRCB (The Movie and Television Review and Classification Board). Ang FDCP ang magbibigay ng rating, na hindi na sila gagastos para sa fees sa MTRCB. Pero kung ipalalabas nila ito pagkatapos ng festival, doon nila kailangan isumite for review sa MTRCB.
PAK: Sa press launch ng TOFARM, sandaling nakatsikahan namin si Epy Quizon na isa sa mga bida sa pelikulang Alimuom kasama si Ina Feleo.
Napag-usapan namin ang isyu pa rin sa National Artist na wala pa ring in-announce ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ang Malacañang kung sino ang susunod na idideklarang National Artist.
Isa raw kasi sa pinagpilian si Mang Dolphy. Pero hindi na ito isyu sa pamilya Quizon sabi ni Epy.
“Wala sa amin yun, kung siya ang pipiliing National Artist o hindi.
“Ang mahalaga nagbigay siya ng kasiyahan sa mga tao. Siya na ang aming National Artist at naging bahagi siya sa buhay ng mga tao,” bahagi ng pahayag ni Epy.
May mga naririnig na kaming pangalan kung sino ang pinagpipilian pero wala nga roon ang namayapang Hari ng Komedya. Kahit nga si Nora Aunor ay hindi rin tiyak kung siya na ba ang pipiliin. Nasa Pangulong Rodrigo Duterte pa rin daw ang desisyon.
Matagal na ngang hinihintay ang announcement na dapat nung Independence Day pa.
BOOM: Gusto naming ipaabot ang aming taos-pusong pakikiramay sa pamilyang naiwan ng lead vocalist ng grupong Hotdog na si Rene Garcia.
Mabilis na kumalat sa social media kamakalawa ng gabi ang balitang pagpanaw ng taga-Hotdog na si Rene Garcia dahil sa cardiac arrest.
Ang grupong Hotdog ang isa sa pinakasikat nung dekada 70 na panahon ng Manila sound.
Sila ang nagpasikat ng mga awiting Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko, Annie Batungbakal, Bongga Ka Day, Pers Lab at marami pa.