Paglipat sa network ng isang sikat, naunsyami, naunahan ng tsismis

Walang maitatagong lihim ang mga artista nang matagal na panahon. Kahit sa pamamagitan lang ng mga bulungan ay nagkakaroon ng apoy na nagbibigay ng usok sa publiko.

Puwedeng idenay ‘yun ng mga personalidad, puwede rin namang aminin, pero malinaw na wala silang puwedeng ikubli habampanahon.

Kuwento ng aming source, “Parang kuwento ng abortion lang ‘yan. Hindi magsasalita ang doktor na gumawa, hindi rin magsasalita ang nurse, pero paano ang janitor na maglilinis ng pinagmilagruhang lugar?

“Parang ganu’n lang, puwedeng manahimik ang iba, pero meron pa ring puwedeng magsa­lita, kaya lumalabas din ang lihim na ginawa,” komento ng aming source.

Sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ay pinagpistahan ang kuwento tungkol sa isang sikat na female personality na napapaloob ngayon sa isyu ng lipatan ng network.

Nagkaroon na ng pahimakas, may niluluto na raw plano sa kanyang paglipat, pero idinedenay pa niya ‘yun at ng mga taong malapit sa kanya.

Balik-kuwento ng aming source, “Nagkaroon talaga ng plano. Naisip talaga ng sikat na female personality ang paglipat. Binabalanse na nila nu’n ang sitwasyon.

“Kasi nga, kapos na siya ng exposure sa network niya, salamat kung iginagawa siya ng sarili niyang show, pero paano kung hindi na?

“E, sa kabilang network, marami siyang paglalagyan. Hindi lang naman kasi siya singer, remember, magaling din siyang umarte at napatunayan na niya ‘yun sa mga movies na ginawa niya nu’n.

“Kaya pumasok talaga sa mga plano nila ang paglundag ng bakod. Wala namang masama du’n, career move ang tawag du’n, kung saan siya siyempre mas magiging productive, du’n siya papasok.

“Kaso, may nakaamoy agad sa plano, nagkagulatan ang magkabilang kampo. Tinanong ang female personality kung gaano katotoo ang mga lumalabas na kuwento.

“Natural, magdedenay ang female personality, di ba? Wala raw katotohanan ‘yun, tsismis lang, kaya pinaniwalaan naman ng nagtanong sa kanya ang stand niya.

“Pero nagkaroon ng ganu’ng plano, huwag nilang sabihing wala, nagkaroon talaga! Naunsiyami lang ang balak nila sa ngayon, pero malay naman natin, baka isang araw, e, makita na lang natin siyang bumibida na sa musical variety show ng kabilang istayon!” huling sultada ng aming source.

Ubos!

Humarang kay Kaladkaren malaki ang kasalanan

Minsan pang nabulabog ang balwarte ng LGBTQ dahil sa nangyari sa impersonator ni Karen Davila na si KaladKaren. Hindi sila pinapasok ng kanyang mga kaibigan sa isang resto-bar sa Makati.

Diretso ang tinanggap nilang sagot, bawal ang bakla sa lugar, isang napakasakit na litanya dahil minsan pa ay umiral na naman ang diskriminasyon sa hanay ng mga beki.

‘Yun ang madiin nilang ipinaglalaban, ang tratuhin sila nang parehas, ‘yung walang kuwestiyon tungkol sa kanilang kasarian.

Mas nagnaknak pa ang sugat nang sabihin ng bouncer na meron daw kasing baklang nahuling nagnanakaw sa mga dayuhan. Kasalanan ng isa, pero nilahat na ang mga bakla, hinding-hindi nga naman tama ang ganu’ng paghusga.

Matagal nang isinisigaw ng grupong LGBTQ ang pagrespetong dapat inilalaan para sa kanila. Hindi sila naiiba sa mga ordinaryong lalaki at babae. Mga tao rin silang dapat binabahaginan ng respeto at pagpapahalagang ibinibigay sa mga hindi kinukuwestiyon ang gender.   

At huwag ibintang agad-agad sa ibang beki ang ginawang kabulastugan ng isang bakla lang, magkakaiba ang kanilang pagkatao, hindi ngayon at may ginawa ang isang beki sa kanilang resto-bar ay ganu’n na rin ang gagawin ng lahat ng bakla na papasok sa kanilang lugar.

Sa bilangan ng kada ulo ay napakaraming baklang kapaki-pakinabang sa ating lipunan. Maraming beking mapagmahal sa kanilang mga magulang. Ginagawa nila ang lahat para maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.

Produktibo ang kanilang hanay, sa buong mundo ay may mga beking mas ipinagmamalaki pa nga ng kanilang mga bansa dahil sa talentong meron sila na nagbibigay ng dignidad sa kanilang bayan, kailangang magpaliwanag ang pamunuan ng resto-bar na humarang sa pagpasok kay KaladKaren at sa kanyang mga kasama dahil ‘yun ang nararapat at karapat-dapat.

Show comments