Kamakailan ay halos mawalan ng boses si Morisette Amon bago pa man magsimula ang concert ng singer sa Dubai. Ayon sa dalaga ay maaaring ang sobrang kapaguran dahil sa kabibiyahe ang naging sanhi nito. “Naniningil na po ‘yung katawan ko sa kaka-travel ko. For the past weeks I’ve been traveling. I came from Canada, Australia, Hawaii. So feeling ko no’ng Dubai naniningil na siya. Although hindi ko naman napi-feel na nai-stress ako dahil nag-i-enjoy naman ako,” nakangiting kwento ni Morisette.
Kahit paos ay hindi naman daw ipinagpaliban ng singer ang concert. “It’s probably ‘yung pinaka-challenging na nangyari sa akin. Kasi kailangan kong maging mabilis eh. I couldn’t be selfish at that time. I really had to consider like ‘yung production who make the show. Lalung-lalo na ‘yung mga taong nagbayad para lang makapanood,” paliwanag ni Morisette. “First time pong nangyari sa akin na gano’ng kalaking concert tapos out of the country pa. Hindi namin naging option na dapat wala nang show. So naghanap kami ng paraan and grateful naman ako kasi the team was very supportive naman. Nabigyan naman ng medications, steroids. I was able to survive the whole show,” dagdag pa ng dalaga.
Dahil sa pangyayari ay may ilang mga nadismaya na nakapanood ng concert ni Morisette sa Dubai. “After ng concert, tiningnan ko talaga ‘yung comments and most were positive naman. But you couldn’t help na merong nabasa pa rin ako na mga na-disappoint. Kasi siyempre ang ini-expect nila ay ‘yung todo na concert ko, ‘yung bumibirit talaga, kaso wala. May mga moments talaga na may mga gano’ng nangyayari. Kaya sana I will be able to make up with them,” pagtatapos ni Morisette.
Janice nagulat sa mga bagong katrabaho
Malapit nang mapanood sa Kapamilya network ang teleseryeng The General’s Daughter na pinagbibidahan nina Angel Locsin, Maricel Soriano, Ryza Cenon, Eula Valdes at Janice de Belen.
Ayon kay Janice ay dapat pakaabangan ng mga manonood ang kanilang bagong proyekto dahil sa kakaibang takbo ng kwento nito. “Nakapag-start na kami ng shooting. Nakailang araw na din ako. Exciting siya and medyo kakaiba din ako dito dahil hindi siya mabait. Combination siya ng heavy drama and action, and ayun naman ang trend sa ngayon pero maganda siya,” pagbabahagi ni Janice.
Noong una ay ikinagulat daw ng aktres na mga bigating artista rin sa industriya ang kanyang makakasama sa nasabing serye. “Kahit naman noong nag-story conference kami at nakita ko na lahat ng kasali sa cast, sabi ko, ‘Uy! Ang laki!’ ang laking project. Alam mo na it’s really something to watch,” giit ng beteranang aktres.