PIK: Kasabay ng pagdiriwang ni Mother Lily Monteverde ng kanyang 80th birthday, magkakaroon din ng Gabi ng Pasasalamat ang FDCP (Film Development Council of the Philippines) para sa matagumpay na Pista ng Pelikulang Pilipino.
Hindi raw ito awards night sabi ni FDCP Chairperson Liza Diño. Pero magbibigay sila ng special citation sa mga pelikulang kalahok.
Pipili raw sila ng Critic’s Choice na sana ibigay sa obra ni direk Chito Roño na Signal Rock.
Magbibigay din sila ng Audience’s Choice na maaring ibigay sa The Day After Valentine’s o Unli Life, dahil itong dalawang pelikula lang naman ang naglalaban sa topgrosser.
Meron din daw silang Special Jury na puwedeng ibigay sa Bakwit Boys o kaya Ang Babaeng Allergic sa Wifi.
Patuloy pa ring namamayagpag sa box office ang The Day After Valentine’s at ang Unli Life.
Nakakalungkot lang na ang isa sa magandang pelikula, itong Bakwit Boys ay nawalan pa ng mga sinehan sa Pampanga na napaka-ironic, para pa naman sa mga Kapampangan itong pelikula ni direk Jason Paul Laxamana.
PAK: Marami pa ring mga magagandang pelikula natin na hindi pa rin tinatanggap ng mga manonood. Dahil walang big stars siguro o baka hindi pa sila handa sa mga ganung klaseng pelikula.
Inaasahang babawi tayo sa showing ng pelikulang The Hows of Us nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Sa August 29 pa lang ang showing nito, pero ngayon pa lang ay talagang todo na ang suporta ng mga KathNiel fans.
Ang latest na nabalitaan namin, mahigit 150 block screenings na raw ang naka-schedule na i-sponsor ng mga KathNiel fans.
BOOM: Nung nakaraang Biyernes, August 17 na pala natapos ang Bagani na hindi man lang naramdaman.
Nag-post na si Liza Soberano sa kanyang Instagram account na mami-miss na raw niya ang mga kasamahan niya sa naturang fantaserye.
Sabi niya, “Sepanx is starting to kick in. I will miss playing Ganda. I will miss living in this fantasy world we call Sansinukob, but most of all I will miss my family. I will miss you my brothers @makisig228 @mateoguidicelli @zaigj till our next project! PS. We will always be Baganis!”
Ngayon ay magpu-focus na si Liza sa malaking pelikula niyang Darna.
Sabi ni Ogie Diaz na manager niya, nakapag-shoot na raw ang Kapamilya young actress ng mga Narda scenes niya.
Ang pagkakaalam namin, hindi na kasali rito si Enrique Gil dahil si Tony Labrusca na raw ang leading man dito ni Liza.
Ang sabi pa raw, hanggang book 3 daw ang nabiling rights ng Star Cinema sa Darna, kaya posibleng tatlong beses na mag-Darna si Liza?
Abangan natin yan!