Noong Biyernes ay nagtapos na ang teleseryeng Since I Found You na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Arci Muñoz. Nakasama rin sa nasabing serye ang tambalan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez.
Masayang-masaya si Empoy dahil nagkaroon siya ng kaunting panahon para sa sarili ngayong pansamantala munang walang taping.
“Bakasyon muna po ako mga two weeks. Tapos sasabak ulit sa work. Meron silang niluluto ngayon sa management ko po. Mas okay na po ‘yung magbakasyon muna ako para makahinga rin ako para pagbalik ko fresh na naman po ulit para magtrabaho,” bungad ni Empoy.
Dalawang bansa umano ang nakatakdang puntahan ng komedyante. “’Yung bakasyon po sa may church namin sa Singapore. ‘Yung sa Japan for work naman po, for tourism sa government po ng Japan. Ako po ‘yung napili nilang ambassador para ipakilala ‘yung Japan sa pinakamagandang bansa sa mundo” pagbabahagi ni Empoy.
Joey hindi pa rin tanggap na puwedeng nang mag-asawa si Winwyn!
Ilang taon na ring magkasintahan sina Winwyn Marquez at Mark Herras pero sa ngayon ay hindi pa rin daw matanggap ni Joey Marquez na may karelasyon na ang beauty queen. Ayon kay Winwyn ay normal na umano sa kanyang ama ang nararamdaman nito kapag naiisip na posibleng mag-aasawa na ang dalaga sa mga susunod na taon. “Akala niya yata sixteen pa rin ako. Siyempre gano’n naman lahat ng daddy, very protective sa kanilang daughters. I hope before 30 (years old) magkaroon na ako ng sariling pamilya. Depende naman ‘yan sa nangyayari pero hopefully before 30 kasi 26 na ako eh,” nakangiting pahayag ni Winwyn.
Kamusta kaya ang pakikitungo nina Tsong Joey at Mark sa isa’t isa? “Very civil, wala akong ibang pwedeng description kundi they are very civil. Civil lang sila,” natatawang sagot ni Winwyn.
Kadalasan ay dinadaan na lamang daw ni Tsong Joey sa biruan kapag napag-uusapan ang tungkol sa pag-aasawa ni Winwyn. “Naku! Daddy malapit na, pero hindi niya ako papansinin. May plano na rin kasi akong bumukod sa kanya, hindi na niya ako papansinin. Ayaw niya akong umalis. Ipapaayos niya ‘yung kwarto ko, gano’n. Sabi naman niya kasi, ‘Why leave the house if you could stay here first and then save ka muna ng money.’ Tapos saka na lang daw ako bumili ng sarili kong bahay talaga. May ipon naman ako, siyempre it’s not enough to have a family. Totoo naman ang sinabi niya na love is not enough. Kailangan stable ka sa lahat ng bagay, emotionally, spiritually, financially, lahat. Even naman kay Mark, he is working hard talaga, ” kwento ng dalaga.