Ina sinusumpa ang mga nakaraan

Ina

PIK: Marami ang nagtaka kung bakit hindi binigyan ng Cinema Evaluation Board ng grade ang award-winning film na Balangiga: Howling Wilderness na nagwagi pa naman sa FAMAS at Urian.

Hindi ba nila kinaya ang sobrang violence o talagang napangitan lang sila?

Anyway, mapapanood ang naturang pelikula sa nalalapit na Pista ng Pelikulang Pilipino sa August 15 hanggang 21 sa Special Feature Category.

Bukod kasi sa walong pelikulang kalahok sa PPP, magkakaroon ng special feature ng mga award-winning indie films kagaya ng Gusto Kita With All My Hypothalamus ni direk Dwein Baltazar, High Tide ni Tara Illenberger, Kiko Boksingero ni Thop Na­zareno, Paki ni Gian Carlo Abrahan, Tu Pug Imatuy ni Arnel Barbarona at itong Balangiga ni Khavn.

Mapapanood ang mga naturang pelikula sa i­lang SM Cinemas sa North Edsa, Megamall, Mall of Asia, Manila, Fairview, Sta. Mesa, pati sa Gateway Cineplex at Robinson’s Galleria.

PAK: Hindi napigilang mapasipol ang mga kalalakihan paglabas ni Ina Raymundo sa gala night ng pelikulang Kuya Wes na official entry ni James Robin Mayo.

Ang sexy pa rin kasi ng 42-anyos na aktres na aminadong mas masaya raw siya ngayon sa takbo ng career niya kumpara nung dalaga pa siya.

Sabi niya; “Sa totoo lang, mas masaya ako sa ngayon. Kung ano yung nararating ko ngayon masasabi kong proud ako.

“Kumpara dati na siguro mas maraming mga fans noon pero hindi ako proud most of my work at that time.

“So now, mas happy ako sa status ko sa showbiz. I would say, I love my job more than ever. Siguro when I was younger I took it for granted, ganun ‘yung tingin ko.”

Sa tono ng mga pahayag ni Ina, parang gusto na niyang kalimutan ang nakaraan niya na kung saan nasangkot siya sa mga matitinding kontrobersya.

“Yung mga intriga, yung mga controversy, mga intriga na wala namang katuturan ‘di ba? Ngayon mas masarap ‘yung buhay, saka mas napipili ko yung project na gusto kong gawin,” dagdag niyang pahayag.

Isa na nga rito ang Kuya Wes, na tuwang-tuwa si Ina dahil siya ang kinuha. First time raw niyang mag-Cinemalaya na ikinatuwa niya na sana me­ron daw siya uli sa susunod na taon.

Natutuwa rin siyang nakasama niya uli si Ogie Alcasid na madalas daw niyang nakatrabaho noon sa mga gag shows.

BOOM: Nagkaroon pala ng pag-uusap sina Presidential Spokesman Harry Roque at KAPPT President Imelda Papin na maaring makatulong sa mga maliliit na trabahador sa showbiz.

Inilapit na raw kasi sa kanya ni Imelda ang problema ng mga maliliit na trabahador kagaya ng mga production assistants, make-up artists, pati mga bit players o extra na ang haba ng oras ng trabaho, wala namang overtime at pati benefits kagaya ng SSS, PhilHealth, Pag-ibig at iba pa.

Kaya bibigyan daw niya ng oras na iparating ito sa Kongreso at pati sa Malacañang,

“Nasa Amerika lang ngayon si Imelda Papin, pero pagbalik niya pag-uusapan namin kung paano pag-usapan sa Malacañang ang mga hinihingi niyang tulong para sa mga nagtatrabaho sa film at TV.

Dagdag pa niyang pahayag; “Saka meron din po tayong prospects na puwedeng gawin… dahil marami po tayong mga magagandang mga lugar sa Pilipinas na dapat ipakita sa pamamagitan ng mga pelikula, ginagawa po yan sa iba’t ibang bansa.

“Siguro po isa po sa dapat na isulong sa kongreso na yung mga incentives para po yung mga foreign film companies ay maengganyo na dito po sa Pilipinas mag-shooting ng kanilang pelikula.”

 

Show comments