Makakasamang magbida ni Coco Martin sina Vic Sotto at Maine Mendoza sa pelikulang Jack Em Popoy na isa sa mga kalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.
Masayang-masaya si Coco dahil natupad na ang noon ay pinapangarap lamang niya na makatrabaho si Vic. “Honestly po kinausap ko po si Mr. T (Tony Tuviera), ayun nga po hindi ko po kasi alam kung paano makakausap si Bossing (Vic). Actually dating-dati ko pa siya gusto makasama sa pelikula. Nakipag-collaborate po sa ‘min si Mr. Tuviera, nagpalitan po ng kanya-kanyang kwento para mapaganda ‘yung pelikula. Tapos sabi niya kausapin daw niya si Bossing,” nakangiting kwento ni Coco.
Ayon sa aktor ay talagang dapat pakaabangan ng mga manonood ang kauna-unahang pagkakataon na magkakasama ang malalaking artista ng dalawang TV networks sa isang MMFF movie. “Na-surprise ako na ang laki pala ng casting namin, sobrang laki po. Honestly parang dalawang mundong pinagsama. Ibang kombinasyon naman, lahat ng makakasama ko taga-Eat Bulaga. Tapos si Bossing naman, ang mga makakasama niya mga taga-ABS-CBN at Ang Probinsyano. Kaya ibang-iba ang dynamics na makikita natin,” pagbabahagi ni Coco.
Xander gustong magbago!
Bumalik sa pag-aaral si Xander Ford dahil umano sa bashing na kanyang nararanasan sa social media. Para sa online sensation ay kinakailangan na maging maayos ang buhay para na rin sa sarili. Balak pagsabayin ni Xander ang pag-aaral at ang show business kapag may mga matatanggap na alok. “Pumapasok po ako sa school. Iyon po ang pinagkakaabalahan ko ngayon. Lagi ko naririnig sa tao na, ‘Ang bobo mo naman, mag-aral ka muna bago ka magpasikat.’ So nag-study ako tapos sinasabay ko ang gym ko at pag-work out tapos dancing,” nakangiting pagbabahagi ni Xander.
Matatandaang nagkaroon ng transformation ang binata na mas kilala noon bilang si Marlou Arizala sa tunay na buhay. Ang akala ni Xander ay magbabago ang tingin sa kanya ng mga tao mula nang magbago ang itsura pero nabigo siya. “Inisip ko po na kapag nagbago ako, mababago ko din ang tingin ng tao sa akin pero hindi. Gano’n po pala talaga ang tao kapag hate ka nila, hate ka nila. Kapag gusto ka nila, gusto ka nila,” pagtatapat ni Xander.
Para sa online sensation ay talagang mahirap ang kanyang pinagdaanan dahil sa panghuhusga ng mga tao mula noon hanggang ngayon. “Si Marlou po ang reality, si Xander ang expectation,” makahulugang pahayag niya.