PIK: Hindi lang pala mga contestants sa The Clash ang nagka-clash para makaupo sa clash seats kung hindi pati ang mga judge na sina AiAi delas Alas, Christian Bautista at Lani Misalucha.
Labing-anim na lang kasi ang natira at matindi na ang labanan para maiwan sa clash seats.
Dati raw nagkakasundo pa sila sa mga choice nila. Pero ngayong nahati na ang 32 clashers, mga magagaling na talaga ang naiwan at dito nagkakaiba na ang choices ng tatlong judges.
“Mahirap talaga. Kaya nga ayokong mag-judge eh. Buti na lang host ako,” natatawang pahayag ni Regine Velasquez.
Mamayang gabi pagkatapos ng Daig Kayo ng Lola Ko ay magkakaalaman na kung sino sa labing-anim na clashers ang makakaupo sa clash seat.
PAK: Hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang bangayan sa Facebook ng komedyanteng si Keanna Reeves at ng may-ari ng isang comedy bar sa Laguna.
Ito ‘yung kinuha siyang host/stand-up comedienne sa bar na iyun na binarat siya sa talent fee at pinag-tricycle siya pauwi.
Mabuti na lang daw at merong mabait na customer na naghatid sa kanila sa sakayan sa Alabang.
Hindi lang matanggap ni Keanna na ginanun siya dahil sinabi naman daw niya nung una na kailangang meron siyang masakyan pauwi.
Nandun naman daw ang sasakyan nung may-ari hindi man lang daw siya mahatid sa sakayan sa labas.
Pinagtiyagaan na nga raw niya ang 5 thousand na talent fee, tapos ganun lang daw ang trato sa kanya.
Kung anu-ano pang pang-aalipusta ang ginawa sa kanya nung may-ari nang magreklamo ito sa Facebook.
Nakaramdam ng awa sa sarili, pero sabi nga niya sa mga post niya sa FB, hindi siya basta papatalo, kinalkal niya ang record ng bar na iyun at nalaman nga raw niyang walang business permit. Kaya ibinulgar niya ito sa lahat.
Lumapit na rin siya sa KAPPT president Imelda Papin para humingi ng tulong sa kagaya raw niyang nadehado nang husto sa trabaho.
Ewan ko lang kung may nagawa si Imelda para matulungan si Keanna. Inaasahan naman ng komedyante na mabigyan siya ng proteksyon ng naturang samahan.
BOOM: Punung-puno ng sigla ang boses ng abugado ni Vhong Navarro na si Atty. Alma Mallonga nang nakausap namin kamakalawa nang gabi.
Hindi raw niya kasi talaga akalaing maganda ang resulta ng kasong isinampa nila laban kina Cedric Lee, Deniece Cornejo at ilang kasamahan nito.
Nasa Amerika pa si Vhong, at sa susunod na linggo pa pala ang balik nito.
Nagbigay naman ng statement ang komedyante at main host ng It’s Showtime na masaya siya sa ibinabang desisyon.
Naging emotional ito nang unang nakapanayam ng ABS-CBN dahil bumabalik daw sa alaala niya ang ginawa sa kanya ng grupo ni Lee, halos limang taon nang nakaraan.
Nasulit naman daw ang matagal na paghihintay, kaya paulit-ulit siyang nagpapasalamat sa Diyos, sa kanyang pamilya, mga kaibigan at supporters lalo na sa kanyang legal team.
Sa aming pagtatanung-tanong sa ilang nakakaintindi sa batas, malamang na mag-aapela raw ang kampo nina Cedric Lee at Deniece sa hatol na anim na buwan hanggang sa tatlong taong pagkakulong.
Puwede ring mag-apply ng probation, pero kung hindi kami nagkakamali, may isa pang kaso si Cedric na nahatulan din siya. Kaya hindi maa-apply sa kanya ang probation. Kaya posible talagang magkukulong siya.
Ngayong tapos na ang kaso, itutuloy na nga kaya ni Vhong ang balak niyang pakasalan ang long-time girlfriend niyang si Tanya Bautista.
Emotional din ang aktor/TV host kapag napapag-usapan ito dahil itong girlfriend niya ang nagpatawad at nagtiyagang nagbantay sa kanya nung na-hosptalize ito pagkatapos siyang bugbugin nina Cedric.
Nabanggit noon ni Vhong na gusto muna niyang matapos itong kaso bago niya harapin ang planong pagpapakasal.
Siyanga pala, tamang-tama rin itong magandang balita ni Vhong sa kanyang pelikulag Unli Life na isa sa mga pelikulang mapapanood sa Pista ng Pelikulang Pilipino.