Eat Bulaga 24/7 sa online

Eat Bulaga family

Nagsimula na ang year-long preparation para sa 40th anniversary ng longest-running noontime variety program ng bansa, ang Eat Bulaga (EB).

Ngayong Hulyo ay muling magbabalik tanaw ang EB sa 39 taon na pagbibigay saya at pag-asa sa milyong Pilipino. 

Ayon kay Jeny Ferre, SVP for Creatives and Operations ng programa, magiging simple, nostalgic at heartwarming and kanilang selebrasyon para sa nalalapit na 40th anniversary. 

“Gabay namin sa journey na ito ang makulay at historic na kwento ng Eat Bulaga. Nais naming magbalik tanaw ngunit kami din ay excited sa mga mangyayari sa mga susunod na araw. Lagi nating sinasabi na ‘Life begins at 40,’ ganoon din ang pakiramdam namin,” saad nito. 

Kung matatandaan, unang umere sa telebisyon ang Eat Bulaga noong Hulyo 30, 1979 na pinangunahan nina Joey de Leon, Tito at Vic Sotto. Personal na pinili ang tatlo ni Television and Production Exponents, Incorporated (TAPE) boss Antonio Tuviera para ipangtapat sa noon ay number one show na Student Canteen.

Sa loob ng apat na dekada, tinupad ng TVJ at ng mga co-host ng programa ang pangakong pagbibigay ng “isang libo’t isang tuwa” sa mga manonood sa pamamagitan ng mahigit 300 segments na umere sa loob ng 40 taon. Kabilang na ang mga well-loved segments na Pinoy Henyo, Super Sireyna, Bulagaan, at Juan for All, All for Juan. 

Ayon kay Ferre, na mahigit 20 taon ng parte ng programa, walang pattern or secret formula ang Eat Bulaga. Para sa kanya, ang success ay nagmumula sa pagmamahal sa trabaho at ang patuloy na pag-evolve ng grupo. 

“Pag mahal mo ang ginagawa mo, mahal mo ang mga taong kasama mo at mahal mo ang industriya na ginagalawan mo, success will follow. Napakalaking pasasalamat namin kasi hindi araw-araw ay nakakapagpatawa ng tao o nakakatulong na mabago ang buhay ng isang indibidwal,” saad nito. 

Dagdag pa ni Ferre na nagiging madali ang trabaho sa Eat Bulaga dahil para na silang isang pamilya. “Maliit lamang ang grupo namin pero andun ang respeto sa isa’t isa. Nakikita namin ang Eat Bulaga bilang extension ng mga bahay namin. Katulad ng isang pamilya, dumadaan din sa mga pagsubok pero isa ka­ming lalaban, ‘yan ang kultura namin dito.”

Sinisigurado din ni Ferre na kahit na apat na dekada na ang Eat Bulaga sa telebisyon ay andun pa rin ang dedication, hunger at passion ng bawat isa. 

“We don’t rest on our laurels. Advantage namin ang expe­rience at ang mga challenges na nalampasan na namin sa loob ng maraming taon. Pero kailangan pa rin namin maging attuned sa panahon, maka-keep up sa pagbabago, mas maging flexible at matutong mag adapt sa mundo ng telebisyon. Kailangan namin mag innovate para maipagpatuloy ang pagiging trendsetters,” saad pa ni Ferre. 

Sa ngayon ay naa-access ng netizen ang mga episode ng Eat Bulaga official YouTube channel at mapapanood na rin ng mga overseas viewers ang programa via live streaming. 

Nagsimula na din mag produce ang Eat Bulaga ng content na exclusive para sa kanilang online platforms. Isa na nga dito ang Eat Bulaga Behind The Scenes kung saan ay gaganap na parte ng production team ang isa sa mga host ng programa. 

“Unti-unti na naming ini-extend ang Eat Bulaga sa interwebs. Pareho pa rin ng kasayahan at entertainment ngunit hindi na lamang ito hanggang 2:30 ng hapon. Ang aming vision ay ma­ging 24/7 ang Eat Bulaga online. Maaari mong i-check ang videos at manood ng episodes saan man or kailanman mo naisin.”

Para naman sa kanilang nalalapit na 40th anniversary, pagbabahagi ni Ferre na four times ang fun, laughter at entertainment para sa loyal Dabarkads. Ipagpapatuloy din nila ang pagbibigay serbisyo sa bawat Pilipino. 

Subaybayan ang year-long celebration ng Eat Bulaga at ang directorial debut ni Jose Manalo sa horror telemovie na pinamagatang Pamana, ngayong Hulyo 28, Sabado sa GMA-7.                                                  

Show comments