May kapansanang nag-champion sa takbuhan, nasa Magpakailanman

Ruru

MANILA, Philippines — Ngayong Sabado (July 28) sa Magpakailanman, tunghayan kung paano pinatunayan ng isang taong may kapansanan na hindi hadlang ang kanyang kalagayan upang abutin ang hinahangad niyang tagumpay. Ito ang totoong kwento ni Renson Embradura na mas kilala sa tawag na “the one -legged long - distance runner” ng Sariaya, Quezon.

Itinatampok sa episode na pinamagatang Takbo ng Buhay Ko  – The Renson Embradura Story si Ruru Madrid bilang Renson. Kasama rin sina Gardo Versoza, Isay Alvarez, Rob Moya, Arra San Agustin, Kyle Vergara, Jenzel Angeles, Julius Miguel at Rey Talosig.

Panglima sa anim na magkakapatid, ipinanganak si Renson na putol ang kanang paa. Subalit kahit isa siyang “person with disability”, sa murang edad ay natutunan ni Renson na tanggapin at pagyamanin ang kakayahan at patunayan na hindi magiging sagabal ang kanyang kondisyon upang makatulong na maiahon sa hirap ang kanyang pamilya.

Lumaki at nagbinata rin si Renson na halos kontrolin ng kanyang ama ang kanyang buhay sa takot nitong masaktan siya at mabigo lang sa kanyang mga pinapangarap. Madalas din ay ayaw siya nitong pagkatiwalaan sa paggawa ng mga bagay na sa tingin nito ay magagawa lamang ng normal na tao. Sa kabila ng kawalan ng tiwala ng ama pinatunayan ni Renson kaya niyang makipagsabayan sa mga kaedad at kaklase. Ang resulta nito, siya lamang ang nakatapos ng kolehiyo sa kanilang pamilya.

Nang matapos sa kolehiyo ay hindi naging madali ang maghanap ng trabaho para kay Renson. Karamihan sa mga inaplayan niyang kumpanya ay “buo o normal” na tao ang hinahanap. Hindi pinanghinaan ng loob si Renson at ng lumaon ay natanggap siyang information officer sa Munisipyo ng Sariaya, Que­zon.

Ang pagtatrabaho sa Sariaya Municipal office rin ang nagbukas kay Renson sa mundo ng “pagtakbo o running” nang yayain siya ng mga katrabaho na sumali sa isang fun run para sa fund raising sa pagpapaayos ng kanilang simbahan sa Sariaya. Sa kabila ng tinamong hirap at sakit ng katawan at sugat, puno ng determi­nasyong tinapos ni Renson ang karera. Labis ang tinamong papuri at paghanga ni Renson mula sa kanyang mga kababa­yan nang matapos niya ang karera. Ito ang nagbunsod para seryosohin niya at pasukin ang mundo ng “pagtakbo o running”

Nakadagdag rin sa inspirasyon ni Renson ang pagkakakilala nila ni Trisha na nang luma­on ay magiging running buddy niya at matalik na kaibigan. Subalit ng malaman ito ng kanyang mga ma­gulang na nahuhumaling siya sa pagtakbo at sa isang babae ay tumut­ol ang mga ito at sinabihan si Renson na pinahihirapan lang niya ang sarili.

Mula sa direksyon ni Rechie del Carmen, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng The Clash sa GMA7.

Piolo at Arci, nagkabalikan 

Nakuha na sa wakas ni Nathan (Piolo Pascual) ang matamis na oo ni Dani (Arci Muñoz) matapos ang matiyagang panunuyo at pagpapahayag sa dalaga ng wagas niyang pagmamahal sa Since I Found You.

 “Alam ko nasaktan kita. Pinagsisisihan ko lahat ‘yun… Gusto kong malaman mo na handa akong maghintay para sa ‘yo. I love you,” pahayag ni Nathan sa episode ng serye kagabi (Hulyo 26).

Ngunit hindi na pinatagal ni Dani ang pagsagot kay Nathan nang itaas niya ang dalawa niyang kamay upang sabihing naka-ten points na ang minamahal at ibig sabihin ay sinasagot na niya ulit ito.

“Hindi na kita ex. Boyfriend na kita ulit,” sagot ni Dani na nauwi sa mahigpit na yakap at matamis na halik sa pagitan ng dalawa.

 Mukhang love is in the air naman hindi lang kina Nathan at Arci dahil maging sina Janice (Alessandra de Rossi) at James (Empoy) ay nagkakamabutihan na rin.

Mula nang isalba ni James ang buhay ni Ja­nice mula sa isang rumaragasang kotse, unti-unti nang nahuhulog ang loob ng single mom sa dating masugid niyang admirer. Kahit si Janice ay nahihirapang paniwalaan ang kanyang nararamdaman, at hindi mapigilan ang kilig sa bawat binibitawang salita ni James.

Hanggang saan lalabanan ni Janice ang nararam­daman niya para kay James? Ano kaya ang gagawin ni Ginno (JC De Vera) sa oras na matuklasan niyang sina Nathan at Dani na ulit?

Tutukan ang nalalapit na pagtatapos ng Since I Found You gabi-gabi sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). 

Show comments