ABS-CBN, wagi ng limang Philippine Quill Awards
MANILA, Philippines — Limang tropeo ang naiuwi ng ABS-CBN sa 16th Philippine Quill Awards para sa iba-ibang proyekto at kampanya nito kabilang ang Moonchasers.ph na online fan community ng teleseryeng La Luna Sangre.
Isang website para sa mga tagapanood ng teleseryeng La Luna Sangre ang Moonchasers.ph na nagbigay ng pagkakataon sa fans ng programa na maranasan ang magkasama-sama upang tulungan si Tristan (Daniel Padilla) sa paghahanap ng mga lobo at bampira.
Samantala, nanalo rin ang kampanyang Pinoy Tsuper Hero ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. (ALKFI) na kumilala sa mga huwarang drayber at humimok sa aabot sa 20,000 na tsuper na makiisa sa paglaban sa polusyon at pagpapalaganap ng ligtas na pagmamaneho.
Panalo rin ang pambatang channel na YeY ng ABS-CBN TVplus para sa Cedie Premiere: A National Children’s Month 2017 Special Celebration, kung saan nakapanood ang mga benepisaryo ng ALKFI ng digitally restored at remastered na pelikulang “Cedie” at nakapasyal pa sa KidZania Manila.
Nakatanggap din ng pagkilala ang online awards show na Push Awards 2017 sa paglalapit sa fans sa kanilang mga idol sa isang event kung saan ginawaran ang Kapamilya stars na binoto mismo ng mga netizen.
Panalo rin ang proyektong Spoken Hugot contest na nagbigay ng pagkakataon sa mga empleyado ng ABS-CBN na ilahad ang kanilang mga saloobin at linangin ang kanilang galing sa spoken word poetry.
- Latest