MANILA, Philippines — Ang Globe Studios ang magsisilbing major presenter ng pinakaaabangang The 2nd EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na magaganap bukas ng gabi, Lunes, July 9, 7 p.m., sa The Theater At Solaire.
Isa ang Globe Studios sa mga sumusuporta sa mga de-kalidad at maipagmamalaking Filipino movies, kabilang na riyan ang mga award-winning indie films na tumatanggap ng parangal at pagkilala mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Aktibo rin sila sa kanilang “play it right” anti-piracy campaign para labanan ang patuloy na pamimirata ng mga pelikula sa bansa. Bukod dito, tuluy-tuloy pa rin ang pagpo-produce ng Globe Studios at Globe Live ng mga musicales.
Bukod sa Globe, katuwang din ng SPEEd ang Film Development Council of the Philippines, sa pangunguna ni Chairperson Liza Diño-Seguerra, sa ikalawang taon ng The EDDYS.
Maglalaban-laban sa gabi ng parangal ang limang nominado bilang pinakamagaling na pelikulang Filipino: Birdshot (TBA Studios/Pelikula Red); Deadma Walking (T-Rex Entertainment, Octo Arts Films); Respeto (Cinemalaya Foundation, ArkeoFilms, Dogzilla); Smaller And Smaller Circles (TBA Studios); at Unexpectedly Yours (Star Cinema).
Mahigpit din ang magiging laban nina Joanna Ampil (Ang Larawan); Mary Joy Apostol (Birdshot); Sharon Cuneta (Unexpectedly Yours); Bela Padilla (100 Tula Para Kay Stella); at Alessandra de Rossi (Kita Kita) sa pagka-best actress ngayong taon.
Nominado naman para sa Best Actor category sina Abra (Respeto); Joshua Garcia (Love You To The Stars And Back); Edgar Allan Guzman (Deadma Walking); Aga Muhlach (Seven Sundays); at Ronaldo Valdez (Seven Sundays).
Tatanggap ng special awards sina Mario Hernando, Joe Quirino Award (posthumous); Ricky Lo, Manny Pichel Award; at Viva Films producer Vic del Rosario, Producer of the Year Award.
Bukod dito, magbibigay din ang SPEEd ng EDDYS Rising Producer Award kina Roselle Monteverde ng Regal Entertainment.
EDDYS Icon awardees naman sina Eddie Garcia, Gloria Romero, Susan Roces, Nora Aunor, Charo Santos-Concio at Maricel Soriano.
Ang magkapatid na Ruffa at Raymond Gutierrez ang magsisilbing hosts sa 2nd EDDYS habang nakatoka naman bilang anchors sa sosyaling red carpet sina Rhian Ramos at Tim Yap.
Ilan sa mga magpe-perform sa gabi ng parangal ay ang kilalang rappers na sina Abra at Loonie, Jona, Bituin Escalante, Wishful 5 at Noel Cabangon.
Sa direksyon ni Paolo Valenciano, ang 2nd EDDYS Choice ay sa ilalim ng produksyon ng fastest growing FM station na Wish 107.5.
Pagkatapos ng awards rites, magkakaroon din ng bonggang after party, ang The EDDYS Party.
Ang SPEEd ay samahan ng mga entertainment editors ng major broadsheets and tabloids sa bansa sa pangunguna ni Ms. Ian Farinas bilang presidente. Si Isah Red ang founding president ng organisasyon. (ES)