MANILA, Philippines — Nagwagi ang ABS-CBN ng prestisyosong Gold Quill award of excellence sa International Association of Business Communicators (IABC) Gold Quill Awards kamakailan sa Montreal, Canada para sa Wow at Saya audience experience program nito.
Kinilala ang Wow at Saya sa Communication Management division sa ilalim ng Customer Relations category bilang isa sa pinakamahusay na strategic communication program sa buong mundo. Ito rin ang nag-iisang winning entry na galing sa isang Philippine TV network.
“Bukod sa pasasalamat para sa karangalan, magsisilbi rin ang tagumpay na ito bilang inspirasyon ng ABS-CBN para ipagpatuloy ang pagpapaganda ng karanasan ng ating mga Kapamilya sa kanilang pagbisita sa ABS-CBN, lalu na ito ay bahagi ng aming misyon na maglingkod sa bawat Pilipino,” ayon kay Kane Errol Choa, head of ABS-CBN Integrated Corporate Communication.
Inilunsad ang Wow at Saya noong 2016 upang bigyan ang mga TV studio audience nito sa mga live shows tulad ng It’s Showtime at ASAP Live ng masayang karanasan sa loob ng ABS-CBN.
Bumuo ng isang team ang Kapamilya network upang siguraduhing mataas ang kalidad ng TV studio audience experience. Kinumpuni rin ng ABS-CBN ang audience holding area nito na kilala na ngayon bilang Kapamilya Audience Lounge (KAL) dahil meron na itong LED TVs, photo walls, food stalls, at iba pang amenities para sa masaya at kumportableng pag-aantay bago magsimula ang live shows.
Maliban dito, pinasailalaim din ng ABS-CBN sa mga workshop ang mga tour guide at marshal nito.
Mula nang simulan ang Wow at Saya, patuloy na naging positibo ang mga karanasan ng mga bisita sa ABS-CBN. Kinilala rin noong 2017 ang ABS-CBN Wow at Saya sa customer relations category ng Philippine Quill Awards, kung saan binibigyang parangal ang pinakamahuhusay na business communications campaigns sa buong bansa.