Hindi rin alam ni Manang Inday (Susan Roces) kung kailan matatapos ang FPJ’s Ang Probinsyano, ang teleserye na pinagbibidahan nila ni Coco Martin.
May mga nagsasabi na mapapanood ang teleserye hanggang sa January 2019 pero wala talagang idea si Manang Inday na masaya dahil mataas ang rating ng television remake ng blockbuster movie ng kanyang pumanaw na asawa, ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr.
Nagkita at nagkakuwentuhan kami ni Manang Inday sa thanksgiving presscon noong Huwebes ng RiteMED, ang unibranded medicine na siya ang celebrity ambassador.
Type na type ng mga reporter na kausap si Manang Inday dahil sa mga kuwento niya na kapupulutan ng aral.
Bagay na bagay talaga kay Manang Inday ang title na Queen of Philippine Movies dahil reynang-reyna ang aura niya. Very positive din ang kanyang mga pananaw sa buhay.
Hindi siya katulad ng ibang mga aktres na sumikat pero napariwara ang buhay. Wish ko lang, tularan si Manang Inday ng ibang mga artista na nabubuhay sa nakaraan dahil talagang siya ang epitome ng isang reyna ng pelikulang Pilipino.
Turning 77 years old si Manang Inday sa susunod na buwan pero bagets looking pa rin siya dahil maganda nga ang disposisyon niya sa buhay.
Active pa rin si Manang Inday sa pag-arte dahil mahal niya ang kanyang propesyon. Regular ang taping niya para sa Ang Probinsyano at 12 midnight ang kanyang cut off time.
Hindi talaga nagkamali ang RiteMed sa pagpili kay Manang Inday bilang brand ambassador. Nakatatak na sa isip ng RiteMed people na humataw nang todo ang sales ng RiteMED medicines nang i-endorso ito ni Manang Inday.
Sumaglit nga pala si Papa Mike Enriquez sa contract signing ni Manang Inday.
Endorser din si Papa Mike ng RiteMed kaya magkapamilya sila ni Manang Inday, kahit taga-GMA 7 siya at Kapamilya star ang aking favorite actress na very thoughtful at never na nakakalimot sa tuwing may okasyon.
Araw-araw na binabanggit ni Papa Mike sa radio program niya sa dzBB ang RiteMed na nakatakda na maglabas ng mga bagong produkto.
Miss Manila matindi ang tagisan
Official candidate sa Miss Manila 2018 si Paulina Labayo, ang pamangkin ng talent manager na si Sandra Chavez.
Naglalambing si Sandra na suportahan ang Miss Manila bid ng kanyang beauty and brains niece.
Hindi ako magtataka kung panoorin ni Sandra ang coronation ng Miss Manila 2018 sa PICC Reception Hall sa June 26 bilang moral support sa kanyang aspiring beauty queen na pamangkin.
Matindi ang tagisan na magaganap sa June 26 dahil magaganda at matatalino ang mga kandidata ng beauty pageant ng City of Manila at ng MARE Foundation Inc.
Bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila sa June 24 ang Miss Manila 2018. So ironic na San Juan day din ang June 24 dahil ito ang Kapistahan ni San Juan, ang patron saint ng San Juan City na si Papa Erap Estrada ang ex-mayor at alkalde ngayon ng Maynila.
Jackie asset ni Erap
Speaking of Papa Erap, alam mo ba Mama Salve na isa sa magic charm ni Papa Erap ay ang anak niyang si Jackie? Ibang-iba ang charm ni Jackie at manang-mana siya sa kanyang mommy na si Dra. Loi Estrada sa pagiging grasyosa at napaka-sweet magsalita. At ‘di ba, kahit halos buong buhay niya na powerful at very famous ang pamilya nila, nanatiling sweet at unassuming si Jackie, nasa sidelight lang siya.
Kaya hindi kataka-taka na never na invade ang privacy ni Jackie dahil very respectable ang distance niya kahit pa nga very public ang pamilya niya. She is one of the Estrada’s best asset kaya naman siguro kung papasukin niya ang pulitika iyon suporta ng publiko sa pamilya Estrada, kuha rin ni Jackie. Sweet, matalino, marespeto, may puso sa masa, iyan si Jackie Ejercito. Kaya naman nakita mo Mama Salve, iyon MARE Foundation na minana niya sa kanyang Mommy Loi ang pagiging chairperson at pageant director ng Miss Manila, ang dami-daming natulungan. We love you Jackie, just be happy, strong and good hearted, always.