Parang baliw na sa kamalditahan, actress/tv host binibilang ang dialogue ng kaeksena

Kung kamalditahan ang pag-uuaspan ay hindi makapapayag ang mga grupong nakatrabaho na ng isang kilalang female personality na may kakabog pa sa kanya. Kanya ang korona, walang makaaagaw, madiin pang sabi ng mga nakatikim na ng kanyang pagmamaldita.

Galit kuno sa mundo ang pamosong babaeng personalidad, sa halip na padaliin niya ang trabaho para maaga silang matapos ay pinahihirapan pa niya, ganu’n ang imahe ng malditang babae.

Kuwento ng isang source, “Lahatin na natin sila, nakatrabaho ko na ang halat ng mga sikat na artista, pero wala nang mas mamaldita pa kay ____(pangalan ng kilalang actress-TV host).

“Ibang klase ang babaeng ‘yun! Binabantayan niya ang script, hindi lang ang part niya ang mine-memorize niya, kailangang alam din niya ang mga dialogues ng mga kasamahan niya dahil nagbibilang siya!

“Correct! Nagbibilang nga siya ng lines! Kinukuwestiyon niya kung bakit maraming dialogue ang kaeksena niya, samantalang siya ang bumibida sa project! Parang ang gusto niya yata, e, maging pipi na lang ang kaeksena niya!”

Meron siyang show na in fairness naman ay makabuluhan at nagre-rate. Siya siyempre ang main host, pero may idinagdag na male co-host para sa kanya, ano ang nangyari?

Patuloy ng isa pang source, “Hindi nakatagal ang male co-host. Ramdam niya kasi na nakikipag-compete sa kanya ang girl, parang ayaw niyang magpakabog sa co-host niya, takot na takot siyang masapawan!

Umalis ang male co-host, sa loob-loob siguro niya, e, ‘Ayan, iyong-iyo na ang microphone, isaksak mo sa ngala-ngala mo!’ E, di ba, ganu’n din ang nangyari sa isa pang male personality na nakatrabaho niya?

Nagbitiw rin ‘yung guy, nararamdaman niya kasi na nai-insecure sa kanya ang hitad na babae, hindi talaga siya papayag na makabog siya sa show niya!

Naku, napakahirap niyang katrabaho. Very demanding siya! Pabida talaga siya, hindi siya basta-basta papayag na naaagawan siya ng eksena!

“Di ba, ganu’n ang personality na masarap itulak sa umburnal? Ang sarap-sarap talaga niyang ihulog at palanguyin sa paligi!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kris hina­hanapan na ng talk show

Nakakaaliw ang mu­ling pagtungtong-pagpasok ni Kris Aquino sa bakuran ng ABS-CBN. Nagmistulang comedy bar ang Dolphy Theater sa paghahalakhakan ng mga reporters at production people na nasa presscon ng pelikula nila nina Joshua Garcia at Julia Barretto.

Idenetalye ni Kris ang mga sout niyang damit, sapatos at mga alahas, hindi siya nagbanggit ng eksaktong halaga ng kanyang mga suot, pero meron naman siyang binanggit na katapat na halaga ng kanyang mga hiyas.

At dahil miss na miss na niya ang pagho-host ng talk show na mahigit na dalawang taon na niyang hindi nagagawa ay nagkaroon ng istant tanungan-sagutan sa presscon.

Siya siyempre ang host at ang kanyang mga guests ay sina Joshua at Julia, pinaaamin niya ang magka-loveteam kung sila na ba talaga sa totoong buhay, hindi makasagot ang young actor nang tanungin ito ni Kris kung gaano nila kamahal ni Julia ang isa’t isa.

Kuwento ng isang kasamahan naming reporter, “Kahit ano pa ang sabihin at kahit ano pa ang mangyari, Kris Aquino is Kris Aquino! Masaya ang presscon, buhay na buhay dahil kay Kris, siya na talaga!”

Ganu’n naman talaga si Kris, parang de-susi kapag nagsimula nang bumuka ang kanyang bibig ay tuluy-tuloy na ‘yun. Walang kahirap-hirap sa kanya ang mga writers ng show dahil siya na ang nagkukusang magbato ng mga tanong na hindi galing sa mga inihandang tanong ng production.

Dahil sa pagkaaliw sa kanya ng mga nandu’n ay nagkakaisa ang lahat sa pagsasabing panahon na para magbalik-talk show si Kris. Ibang-iba kasi ang kapaligiran kapag siya ang mayhawak ng mikropono. Buhay na buhay ang tanungan-sagutan.

Malay naman natin, baka ‘yun na ang magbigay ng magandang senyal na malapit na ngang bumalik sa network si Kris Aquino, walang imposible sa mundo.

Miss na miss na rin ng ating mga kababayan ang kanyang istilo at atake, hindi lang si Kris ang nasasabik na sa pagbabalik, mas matindi ang kagustuhan ng manonood na sana’y magbalik-hosting na siya sa ABS-CBN.

Sana nga!

Show comments