Mocha inilaglag ni Arnell
PIK: Nagpaputol ng buhok si Bea Alonzo para sa pelikulang pagsasamahan nila ni Aga Muhlach na kukunan sa Vancouver, Canada. Si direk Paul Soriano raw ang magdidirek nito.
Wala naman daw kinalaman sa estado ng kanyang lovelife dahil okay na okay naman daw ang puso niya.
“Ginawa ko to para dun sa role, kasi I want her to be different. I want her to be charming.
“Alam n’yo naman pagdating sa haircut, gagawin ko ‘yun for the character no. Alam n’yo na gusto ko talaga each character, naiiba.”
Isa pang bago raw na aabangan sa kanya ay ang kanyang YouTube Channel na magsisimula na raw ngayong araw.
Doon daw niya ipapakita ang pagputol ng kanyang buhok.
Kahapon ay umalis na si Bea patungong Canada, at excited siyang makatrabaho si Aga. Tingin daw niya marami siyang matutunan sa naturang aktor.
PAK: Hindi na bago itong kuwento ng magaling na young actress na bata pa, siya na ang nagtatrabaho para sa kanyang pamilya.
Dumating na rin pala siya sa puntong napuno na siya dahil sa kanya na lang inaasa lahat.
Okay lang daw kung nakikita naman niyang nagtatrabaho ang mga kapatid niya, pero hindi naman. Dagdag pa na dalahin sa kanya, nung nakabuntis ang kapatid niya at pati ang pagpapa-hospital sa babaeng nabuntis ay sa kanya pa inaasa.
Sana raw ang magulang naman niya ang mag-ayos at pagsabihan ang mga kapatid niya, pero wala naman. Mas busy pa nga raw ang mommy niya sa pagsu-zumba.
Kaya tama na raw ito sabi ni young actress. Nag-solo na siya, at ewan ko lang kung kasama niya ang kanyang non-showbiz boyfriend na ka-partner niya sa bagong negosyong kabubukas lang.
BOOM: Tinabunan na nina Kris Aquino at Mocha Uson ang isyung pagsisintir ni direk Mike de Leon kay Atom Araullo, ang awayan nina Ynez Veneracion, Joel Cruz at Sunshine Cruz vs. Kathelyn Dupaya.
Sila ngayon ang paboritong paksa ng lahat, kaya naman ang dami na ring nakisawsaw.
Ang OWWA Executive Deputy Director ang nalulungkot sa nangyayari dahil dito na raw halos nakatutok ang lahat at hindi na pinapansin ang magagandang nagawa ng gobyerno.
Naglabas si Arnell Ignacio ng statement niya kaugnay sa isyung ito.
“Nakakalungkot lang na mas iniintindi ang mga ganitong negatibong balita kesa sa magagandang nagawa ng gobyerno na hindi naman interesado ang mga tao,” sabi ni Arnell.
Nabanggit pa ni Arnell na kapag may isang OFW na merong problema sa bansang pinagtatrabahuan, pinuputakti na sila ng pamba-bash. Pero kapag nandiyan na ang tulong nila, wala nang pumapansin.
Nakausap pa pala ni Arnell si Mocha at pinayuhan daw niyang huwag nang sagutin si Kris, pero hindi naman siya sinunod.
Kaya nabigyan na naman si Kris ng pagkakataong magsalita at sa kanya napunta ang simpatiya ng karamihan.
“Sa totoo lang, sa isyung ito si Kris ang panalo eh. Sa kanya na naman naka-focus at siya na naman ang nasa balita eh,” pakli ni Arnell.
Kaya sabi ko na lang kay Arnell, huwag na tayong magulat kung sa 2019 eh mangangampanya na sa atin si Madam Kris.