Frank nakalabas na agad ng kulungan pagkatapos mangmanyak
PIK: Inilunsad na ni Ms. Baby Go ng BG Productions International, ang bago niyang film production nung nakaraang Linggo, June 3 sa Marco Polo Hotel.
Hindi lang BG Productions ang magiging abala sa pagpo-produce ng pelikula kundi itong kalu-launch lang na Global Films Production International, Inc.
Ito na raw bale ang magpu-produce ng mga pelikulang mainstream.
Nandiyan pa rin naman daw ang mga indie film niya na gagawin ng BG Productions, pero gusto na rin daw subukan ni Baby Go ang mga malalaking pelikula na ipu-produce na ngayon ng Global Films.
“Sabi kasi nga kilala ang BG Films sa indie. Kaya dapat ibahin daw.
“Marami kasi nag-request lalo na sa ibang bansa. Kasi nilalaban namin sa ibang bansa.”
Isa sa malaking pelikulang gagawin ng Global Films ay ang pagbibidahan ni Charo Santos.
May magandang material na raw sila para sa aktres at dating TV executive at umokey naman daw si Madam Charo na gawin ang naturang pelikula. Hindi lang mabigay ni Ms. Baby ang ilang detalye ng naturang project pero matutuloy daw ito.
Bukod sa launching ng Global Films, ipinakilala na rin ni Ms. Baby ang mga bagong talents na iha-handle nila. Pumirma sila ng exclusive contract sa naturang produksyon. Magiging bahagi raw sila sa mga susunod na pelikulang gagawin ng BG at Global Films.
PAK: As of presstime, hindi pa rin nagbibigay ang pamilya ni Frank Magalona ng pahayag kaugnay sa pagkahuli sa kanya ng mga pulis ng Southern Police District kahapon ng madaling araw.
Isinumbong si Frank ng isang babaeng VIP host ng isang bar sa BGC na nagngangalang si Jemmele Reyes.
Ayon sa report na lumabas base sa salaysay ni Reyes, lasing daw si Frank nang gawin ang pandadakma nito. Kasama raw niya ang isang server na kumuha ng drinks, naramdaman daw niyang dumaan si Frank sa bandang likuran niya at sabay hipo sa bandang left side ng puwet niya.
Na-check namin kahapon sa police station ng BGC na na-inquest na pala ang aktor at ayon kay Chief Superintendent Tomas Apolinario, pagkatapos daw itong na-inquest kahapon, bumaba na raw ang kaso ni Frank mula Acts of Lasciviousness, naging Unjust Vexation na lang.
Kaagad naman daw na-release si Frank sa pagkaka-detain pagkatapos siyang imbestigahan. Hindi na niya kailangang magpiyansa.
BOOM: Napag-alamang mula raw sa Kapuso network ang magiging leading man ni Judy Ann Santos sa bagong teleseryeng gagawin niya sa ABS-CBN. Kinulit namin ang aming source kung sino ito, pero ayaw niya talagang sabihin dahil hindi pa yata ito nakapagpaalam sa GMA executives na malapit na rin sa kanya.
Isa raw ito sa surprise kapag ma-launch na itong bagong teleserye ni Juday na pinamagatang Starla.
Marami nga ang nag-react sa title nitong teleserye ni Juday, pero nababagay daw ito sa mala-inspirational drama na gagawin niya.
Bukod sa Starla, natapos na rin ng Kapamilya actress ang pelikulang obra ni direk Brillante Mendoza.
Hindi na Bayang Magiliw ang title nito, at naging Maguindanaw na. Nasilip nga namin ang trailer nito na ayaw munang i-release ni direk Brillante.
Sa trailer pa lang, nakikita na naming malaking pelikula ito at ibang-iba si Judy Ann dito na gumaganap bilang isang Muslim na asawa ng isang Muslim din na military na ginagampanan ni Allen Dizon.
Baka next year na raw ito ipalalabas at baka isali sa isang international film festival. Sa Cannes kaya ito?
Kahit si Allen ay proud na proud din sa pelikulang ito na bumagay naman sa kanya ang role.
Sabi nga ng aktor, hindi raw niya akalaing sa kanya mapupunta ang proyektong ito dahil katatapos lang niya ng pelikulang Right to Kill na dinirek din ni direk Brillante.
Dumaan naman daw siya sa audition at masuwerteng napunta sa kanya ang role pagkatapos itong hindi natuloy sa ilang Kapamilya actor na unang pinili.