Deo bagong bise-presidente at station manager ng DZRH

Deo

MANILA, Philippines — Hinirang kamakailan ng Manila Broadcasting Company si Deo Macalma bilang panibagong bise president at station manager ng DZRH.

Kilala bilang si “Lakay” sa mga tagapakinig, si Macalma ay naging empleyado ng DZRH noong 1980, na’ng siya’y magtapos ng journa­lism sa Lyceum of the Philippines. Sumikat siya bilang  field reporter noong 1986 EDSA Revolution, na’ng walang takot siyang humabol sa mga tangke, alinsunod sa utos ng dating news director na si Rey Langit. Sa paglipas ng mga taon, siya’y naging komentarista, at higit na nakilala sa kanyang nakakatawang diskurso sa mga napapanahong balita.  

Pero sadyang sumikat si Macalma sa kanyang Espesyal na Balita, kung saan naghahain ng mga nakakakilig na chismis ang kanyang mga bubuwit, na kinabibilangan ng mga roomboy, waiter, security guard, at mga em­pleyado sa ospital. Hindi nagtagal at maging mga senador, kongresista,  heneral at pati miyembro ng gabinete ay nagdadala na rin sa kanya ng mga balita ukol sa mga sekreto ng mga artista, atleta, at pulitiko. Ayon kay Deo, ang estilong ito ay nakatulong na buksan ang mata ng publiko sa mga katiwalian sa gobyerno,  na siyang ginagawa na rin ng ilang programa sa ibang istasyon.

Mula ng mamatay ang dating pinuno ng DZRH na si Joe Taruc, si Macalma na ang pumuno sa puwang ng yumaong brodkaster. Sa kanyang pangunguna, walang takot na sinusuong ng news and public affairs team ng DZRH ang masalimuot at peligrosong daigdig ng pagsasahimpapawid sa radyo. Nararapat lamang na hirangin siya bilang VP at station manager.

Show comments