Kasinglakas ng bagsak ng galit na galit na ulan nu’ng isang gabi ang pagpipista ng mga magkakaumpukang taga-showbiz sa buhay ng isang kilalang female personality. Lahat ng nandu’n ay may kani-kanyang kuwento tungkol sa kanya.
Palagi kasing nasasangkot ang pangalan ng female personality sa mga lalaking pamilyado na. Magkaroon man siya ng karelasyong binata pa ay hindi ‘yun nagtatagal, napakaigsi lang ng buhay, mas tumatagal siyang makipagrelasyon sa lalaking may sabit na pero mapera.
Kuwento ng isang source sa umpukan, “Alam n’yo bang batambata pa siya, e, ganyan na siya kagaling? Meron siyang nakarelasyong politician mula sa South, napaniniwala niya ang pulitiko sa mga drama niya!
“Akres talaga siya dahil nahihingan niya ng datung ang pulitiko dahil sa mga drama niya. Kunwari, sasabihin niya na gagamitin niya ang pera sa pagpapagawa ng motor ng tubig sa bahay nila. Give naman ang politician, pero ang totoo, tatakbo na agad siya sa isang shop para bumili ng inaasinta niyang branded bag.
“Ganu’n din ang ginawa niya sa isang businessman, hiningan niya nang hiningan ng datung ang boyfriend niya. Ipangpupuhunan kuno niya sa business, pero wala naman siyang naitayong negosyo!” umpisa ng impormante.
Malakas ang pang-amoy niya, matalas, alam niya kung sino ang pakikinabangan niya at hindi. Nagkaroon siya ng pulitikong karelasyon, binata ang lalaki, pero ganu’n din ang naging dahilan ng paghihiwalay nila.
Sabi ng ikalawang source, “Tama! Kesa sa mabaon siya nang buhay dahil sa sobrang pagkakautang, hiniwalayan na lang niya ang girl. Ganu’n din, hingi nang hingi siya ng puhunan, mga concert naman ang sinangkalan niya, pero wala naman siyang ibinabalik na puhunan!
“Ang mga kasosyo pa niyang producers ang sinisisi niya, pero ang totoo, naibalik na sa kanya ang ipinuhunan niya, hindi nga lang niya ‘yun ibinabalik sa boyfriend niya!
“At teka naman muna, makakalimutan ba natin ang napakatamis niyang pakikipagrelasyon sa isang sikat na sikat na male personality sa kanyang linya? Tubong-lugaw siya sa lalaking ‘yun, sa ibang bansa pa sila nagtatagpo, dahil bantay-sarado ang guy ng wife niya.
“Pak na pak ang episode na ‘yun ng pakikipagrelasyon niya sa guy, samantalang meron din siyang karelasyong mayamang businessman nu’n, ha? Matindi siya, ganu’n siya talaga!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Itutuloy sa pag-aabogasya Herbert at Tates naluha sa pagtatapos ng anak!
Proud parents. ‘Yun sina Mayor Herbert Bautista at Mayora Tates Gana nu’ng Sabado nang hapon habang umaakyat sa entablado ng Ateneo de Manila University ang kanilang panganay na si Athena.
Political Science ang kursong tinapos ng dalaga, may plano itong ituloy sa Law ang kanyang pag-aaral, kaya ganu’n na lang ang kaligayahan ng kanyang ina habang pinagmamasdan ang kanyang anak na tumatanggap ng diploma.
Naluha naman si Mayor Herbert nang isigaw ng speaker sa mikropono ang linyang “We made it!” bilang pagbibigay-pugay sa magigiting na mga magulang ng mga estudyanteng nagtapos ng iba-ibang kurso.
“Nakapagtapos na rin po kami,” sabi ni Mayora Tates nang magkausap kami pagkatapos ng graduation ng kanilang panganay ni Mayor Bistek.
Walang masasabing hindi maganda si Mayora Tates tungkol kay Mayor Herbert bilang ama, ibinibigay nito ang lahat ng mga pangangailangan nina Athena at Harvey, lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral.
Pero ang pagiging responsable ng mayor ng Kyusi ay kinambalan ni Tates Gana ng matutok na paggabay sa kanilang mga anak, kapag magkakasama nga kami ay tumatawag pa siya sa kanilang bahay para kausapin ang kanyang mga inspirasyon, kasunod ang pakikipag-usap sa kanilang mga kasambahay para lang kumustahin ang magkapatid.
May trabaho si Mayora Tates, umaalis siya ng bahay pero ang kanyang utak at atensiyon ay naiiwanan kina Athena at Harvey, ganu’n siya kabuting ina sa kanyang mga anak.
Ganu’n naman talaga ang dakilang ina. Siya ang palaging nagpupuno sa mga kulang. Siya ang nagpaparamdam sa kanyang mga anak na hindi dapat binibigyan ng panahon ang paghahanap sa wala dahil ang mas mahalaga ay ang kung ano ang nand’yan na kailangan nilang pagsaluhan na punumpuno ng pagmamahal.