Nanay ni Janella mas gusto si Jameson kesa kay Elmo?

Jenine at Janella

Natuwa ang fans ni Janella Salvador dahil sa endorsement ng kanyang nanay na si Jenine Desiderio sa pelikula niya, ang So Connected ng Regal Entertainment Inc. na kahapon ang unang araw ng showing sa mga sinehan.

Hiningi ni Jenine ang suporta ng publiko na pinakiusapan niya na panoorin ang So Connected na positive ang reviews dahil very now ang kuwento.

Siyempre, nag-rejoice ang fans and supporters ni Janella dahil sa kind gesture ni Jenine na very supportive sa anak, kahit balitang-balita na hindi pa nalulutas ang tampuhan nila.

Naalala ko tuloy ang kuwentuhan namin sa lunch treat ni Manay Ichu Maceda para sa akin noong Martes nang mapag-usapan ang tampuhan ng mga magulang at ng mga anak. Isa sa kasama namin ang nagsabi na anuman ang mangyari, a mother is always a mother at agree ako sa komento niya.

Say ni Jenine

‘Matinong lalake at marespeto bagay kay Janella’

Isang follower ni Jenine ang nag tanong sa kanya ng “Ms. Jenine, pag babae po ang gusto ng anak n’yo, ayaw n’yo. Ngayong lalake na ang gusto, ayaw n’yo pa din? E ano na lang po?”

Sinagot ni Jenine ang komento ng social media follower niya na gumagamit ng pangalan na Kristine Gonzalez.

Direct to the point ang sagot ni Jenine na “Ang gusto ko lalaking matino na marunong rumespeto. ‘Yung gagabayan yung anak ko sa tama.”

Kung may pinariringgan si Jenine, siya lang ang nakakaalam. Walang binanggit na name si Jenine kaya hindi dapat mapa-ouch si Elmo Magalona, ang rumored dyowa ni Janella. Ang pumalag, guilty!

Eddie Garcia buhay na buhay, kahit ilang beses nang pinatay

Na-late si Dolor Guevarra sa lunch date namin sa Greenhills noong Martes dahil bukod sa hinintay pa niya ang kanyang dear granddaughter na si Mia, hindi siya magkandaugaga sa pagsagot sa mga phone call mula sa mga reporter na nagtatanong kung true na pumanaw ang veteran actor na si Eddie Garcia.

Isang hoax as in walang katotohanan ang balita na sumakabilang-buhay na si Papa Eddie dahil alive and kicking siya.

Every year na lang yata, natsitsismis na natsugi si Papa Eddie pero may kasabihan tayo na lalong humahaba ang buhay ng isang tao kapag napapabalita na nagbabu na siya sa earth.

Nalaman ni Dolor na nasa shooting ng isang pelikula si Papa Eddie kaya hindi totoo ang tsismis na ikinabahala ng mga nagmamahal at humahanga sa beteranong aktor.

Stepfather ni Charlene pumanaw...

Nakikiramay ako sa Vera-Perez family dahil sa pagpanaw kahapon ni Pepito Vera Perez, ang kapatid nina Manay Ichu, Maceda, Betchay Nakpil, Manay Gina de Venecia at Chona Ampil.

Lumabas noon si Pepito sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures, ama siya ng aktor na si Lander Vera-Perez at stepfather ni Charlene Gonzales.

As of presstime, inaayos pa ng Vera-Perez family ang lugar na pagdarausan ng lamay para kay Pepito kaya bukas ko na lang ibabalita sa inyo ang complete details.

Pumanaw si Pepito, isang araw matapos gunitain ng pamilya ang birthday ni Mama Nene Vera-Perez noong May 22.

Parang double celebration ang nangyari noong Martes dahil para sa birthday ko at sa kaarawan ni Mama Nene ang lunch treat ni Manay Ichu.

Ang saya-saya ng kuwentuhan namin at wala kaming kamalay-malay na kinabukasan, magiging malungkot kami dahil sa pagkawala ni Pepito.

Show comments