Naririto sa Pilipinas si Floyd Mayweather, Jr., pero walang kinalaman ang boxing sa pagbisita niya sa ating bansa.
Excited ang fans sa pagdalaw ni Mayweather, Jr. sa Pilipinas dahil hoping sila na magkakaroon ng Part 2 ang boxing fight nila ni Senator Manny Pacquiao noong May 2015.
Payag si Papa Manny na magkaroon sila ni Mayweather ng rematch na malaki ang chance na matuloy kung tatanggapin ng American boxer ang hamon.
Ang laban nina Papa Manny at Mayweather noong May 2015 ang pinakamaingay at pinaka-kontrobersyal dahil tinutukan ito ng mga sikat na personalidad sa buong mundo.
Kapag natuloy ang rematch, tiyak na pagpipistahan uli ito dahil marami ang may gusto na magharap uli ang dalawa sa boxing ring.
Ang nakarating na balita sa akin, special guest si Floyd Mayweather, Jr. sa Miss Universe event na mangyayari ngayon sa Okada Manila at starring ang Miss Universe beauties na sina Iris Mittenaere, Demi Leigh Nel Peters at ang our very own na si Pia Wurtzbach.
Maugong ang balita na idaraos sa Pilipinas ang coronation ng Miss Universe 2018 at ayon kay Department of Tourism Secretary Wanda Teo, 90% sure na ang bansa natin ang host country.
Para magsalita nang ganoon si Secretary Teo, parang done deal na ang staging sa Pilipinas ng Miss Universe 2018 na gustong isabay ng Department of Tourism sa plano ng pamahalaan na buksan sa publiko ang Boracay island sa November 2018.
Catriona mabigat ang pressure
Kapag natuloy ang Miss Universe 2018 sa Pilipinas, imposible na hindi maka-feel ng pressure si Catriona Gray, ang bet natin sa nasabing contest.
May pressure dahil kapag nanalo si Catriona, tiyak na may mang-iintriga na nag-win siya dahil ang Pilipinas ang host country, kahit deserving naman talaga ang Pinay beauty na beauty and brains.
Kung matatalo naman si Catriona, sure na may mag-e-emote na nasa sariling bayan na nga siya, Lotlot de Leon pa ang kapalaran niya.
Fresh pa sa isip ng mga Pinoy ang naging kapalaran ni Maxine Medina nang mag-join ito sa Miss Universe noong 2016. Mabuti na lang, solid ang suporta kay Maxine ng kanyang family and friends kaya nalampasan niya ang mga pagsubok at ang matinding bashing na naranasan.
Ben at Erwin may offer sa DOT
May offer ang Tulfo brothers na sina Ben at Erwin Tulfo na ibalik sa Department of Tourism ang P60 million na ibinayad sa kanila para sa commercial ads sa Bitag, ang show nila sa PTV4.
May mga nagtatanong ngayon sa mangyayari kapag naibalik na ng magkapatid ang datung sa Department of Tourism, ang government agency na pinamumunuan ng kanilang sister na si Secretary Wanda Teo, matatapos na ba raw ang isyu?
Ma at pa ang sagot ko dahil hindi ko naman alam ang nasa isip ng Tulfo brothers pero knowing them, sure na may opinyon sina Papa Ben at Papa Erwin dahil pareho sila na mga palaban at hindi inaatrasan ang mga isyu na ipinupukol sa kanila.